Nakiisa ang Malacañang sa buong mundo sa pagkondena sa hostage taking incident na natuloy sa pagpatay sa 27 turista sa isang hotel sa Bamako, Mali.

Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na hindi katanggap-tanggap para sa gobyerno ng Pilipinas ang ano mang uri ng karahasan upang isulong ang adhikain ng isang grupo.

“We have always condemned all forms of violence and it cannot be a platform for anyone’s advocacy,” ayon kay Valte.

Aabot sa 170 katao ang tinangay na hostage ng armadong kalalakihan, na pinaniniwalaang mga miyembro ng Al Qaeda terrorist group, sa Radisson Blue Hotel sa Bamako, Mali, na dating French colony.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Kinalaunan, 27 ang pinatay ng mga terorista, ayon sa ulat.

Sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesman Charles Jose na walang naiulat na Pinoy na nasugatan o namatay sa insidente.

Lumitaw din sa mga ulat na isang Amerikano, isang Belgian at tatlong Chinese ang kabilang sa mga napatay na biktima.

Ayon sa mga ulat, tumagal ng halos 10 oras ang hostage crisis bago pinagpapatay ng mga terorista ang mga turista sa Radisson Blue Hotel. (Madel Sabater-Namit)