Nagdadalamhati ngayon ang pamilya ng isang 55-anyos na ginang matapos siyang mabundol ng isang kotse sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa Manila Central University (MCU) Hospital si Carmelita Jakosalem, ng East Riverside, Barangay Potrero, Malabon City, dahil sa mga tinamong pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan, bukod pa sa naputol ang kaliwa niyang binti.

Nasa kostudiya na ng pulisya ang nakabundol na si Ronald Neri, 29, ng No. 1 Scout Tobias Street, Roxas District, Quezon City.

Ayon sa report, dakong 3:12 ng umaga, minamaneho ni Neri ang Toyota Vios (TXZ-719) sa Mac Arthur Highway sa Calle 4, Caloocan City, na naroon din ang biktima na naglalakad sa gilid ng kalsada.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Nag-overtake umano si Neri at nahagip ang gulong ng isa pang kotse (W1Q-664) na minamaneho ni Fredel Odena.

Nawalan ng kontrol ang manibela ng suspek, dahilan para magulungan ang paa ng biktima.

Isinugod ng mga residente sa pagamutan ang ginang, pero makalipas ang ilang oras ay binawian na ito ng buhay.

Reckless imprudence resulting to homicide and damage to property ang ikinaso ng pulisya laban kay Neri.

(Orly L. Barcala)