Matinding trapik, malaking lugi.
Ito ay ilan lang sa mga isyu na bumabagabag sa publiko bilang epekto ng pagdaraos ng 23rd Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Summit sa Maynila sa nakalipas na mga araw.
Sa kabila nito, naniniwala si Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma, Jr. na mababawi rin ang tinatayang bilyon-pisong halaga na nalugi sa matinding traffic na idinulot ng regional summit dahil sa inaasahang pagbuhos ng foreign investment at paglago ng industriya ng turismo ng bansa.
“Looking at the big picture, losses incurred this week will be recovered eventually in terms of continuing and sustained growth and development of the Philippine economy as a favored investment and tourism destination,” pahayag ni Coloma.
Aniya, inirerespeto ng gobyerno ang opinyon ng mamamayan, lalo na ang mga kritisismo sa pagdaraos ng malaking international conference sa Maynila.
“We acknowledge that there will be differences in viewpoints and we are willing to engage all stakeholders in meaningful dialogue as well as consider suggestions for improvement. Reasonable criticism is always welcome in a healthy democracy,” dagdag ng opisyal.
Sinang-ayunan din ni Coloma ang paniniwala ni Finance Secretary Cesar Purisima na malaking tulong, hindi lang sa ekonomiya ng Pilipinas, kundi maging sa ibang bansa sa rehiyon ang pagdaraos ng APEC Summit.
Dahil sa APEC, sinabi ni Purisima na lumobo nang 15 beses ang export sector ng Pilipinas, lalo na sa malalaking trade partner nito, tulad ng China at Amerika.
Bukod dito, nabibigyan din ng pagkataon ang Pilipinas na marinig ang boses nito sa APEC meeting, na walo sa mga miyembro ng organisasyon ay kasapi rin ng G20, na binubuo ng pinakamauunlad na bansa sa mundo.
(MADEL SABATER-NAMIT)