SAN FERNANDO, La Union — Nagsagawa ang Philippine National Police (PNP) at ang Land Transportation Office (LTO) ng joint checkpoint operation na tinawag na “Oplan Sita”, at naharang ang isang pampasaherong jeep na sakay ang isang grupo ng kalalakihan na patungong Manila noong Miyerkules, sa Barangay Parian sa bayang ito.
Ayon kay Supt. Julius C. Suriben, city police chief, pinigil nila ang jeep na may plate number AVY 363 at minamaneho ni Jayson Ligsay, residente ng Laoag City, Ilocos Norte, matapos matuklasan na ang grupo ay may dalang ilang rolyo ng streamer, sako, gamit sa pagluluto, at mga personal na kagamitan at bumibiyahe patungong Metro Manila.
Nirentahan ito ni Regina Cacuyong ng Pinili, Ilocos Norte at ipinapalagay na bahagi ng mga nagpoprotestang militante na maaaring makaabala sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit na nagsimula noong Miyerkules sa Pasay City.
Isinagawa ang nasabing checkpoint operation upang harangin ang mga behikulo na ginagamit ng ilang personalidad at militanteng grupo para sa mga rally.
Sinabi ni Ligsay na nagpasya silang huwag nang tumuloy sa Metro Manila kasama si Cacuyong nang kumpiskahin ng mga miyembro ng LTO Flying Squad ang kanyang driver’s license at rear plate number, na isang temporary operation permit ang inisyu bukod sa pagkakatuklas na hindi ligtas ang jeep para sa mahabang biyahe.
Mahigit 200 behikulo ang iniutos na siyasatin, sa direktiba ni Supt. Angelito Dumangeng, provincial PNP director, at 20 sa mga ito ang hinarang bilang suporta sa seguridad ng Summit. (ERWIN BELEO)