Ililipat na sa pag-aari ng Philippine Navy ang dalawang barko—ang US Coast Guard Cutter Boutwell at R/V (research vessel) Melville, ayon sa pahayag ng White House.

Ang barkong Boutwell ay isang Hamilton-class weather high endurance cutter, tulad ng BRP Gregorio del Pilar (PF-15) ng Philippine Navy, na bigay din ng gobyerno ng Amerika at binisita ni US President Barack Obama nang dumating siya sa bansa nitong Martes.

Ang Boutwell ang ikatlong barko mula sa kahalintulad na klase na ibinigay ng US government sa Philippine Navy simula 2011. Ang dalawang iba pa ay ang BRP Del Pilar at BRP Ramon Alcaraz.

“This (Boutwell) will provide the Philippines the ability to maintain greater maritime presence and patrols throughout its EEZ,” ayon sa White House.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“We are also in the process of transferring the research vessel R/V Melville to support naval research and law enforcement capabilities,” dagdag nito.

Ang pagsasalin ng pag-aari ng dalawang barko sa gobyerno ng Pilipinas ay inihayag ni Obama sa isang pulong balitaan matapos inspeksiyunin ang BRP Del Pilar.

Sinabi ni Philippine Navy Spokesman Edgard A. Arevalo na malaking tulong ang dalawang barko mula sa US government sa pagpapalakas ng kakayahan ng Hukbong Dagat sa pagpapatrulya sa karagatan ng bansa laban sa panghihimasok ng mga banyagang puwersa.

Subalit iginiit ng opisyal na kailangang dumaan sa mahabang proseso ang pagbibigay ng Amerika sa dalawang barko, gaya ng nakasaad sa mga probisyon ng PH-US Excess Defense Article (EDA).

“We are aware that the grant will entail a process before the vessels are actually transferred to the Navy. But the would-be additional Weather High Endurance Cutter will certainly bolster the PN’s capability for sustained maritime patrol, and as an additional platform for counter-terrorism operations and Humanitarian Assistance and Disaster Response,” dagdag niya. (Elena Aben)