NAPAKAGANDA at makabuluhan ang naisip ng Philippine Red Cross Rizal Chapter na magkaroon ng The Big One fundraising concert sa Nobyembre 27, sa Ynares Sports Arena, Kapitolyo Pasig City.
Tinatayang makakalikom sila ng mahigit P5M na ilalaan nilang pangtulong kapag nagkaroon ng kalamidad tulad ng bagyo, lindol, at iba pa.
Katuwang ng Philippine Red Cross Rizal Chapter sa The Big One concert ang Aqueous Events sa The Big One concert na siyang kumontak sa mga performer na kasama sa show.
Tinawag itong The Big One dahil all-star cast ang performers na kinabibilangan ng premier male singers and heartthrobs na ASAP 20 na sina Erik Santos, Richard Poon, Daryl Ong at Markki Stroem; Primetime Bida artists na sina Aaron Villaflor (All of Me), Richard Juan at Mikee Agustin ng PBB 737; The Voice of the Philippines top contenders Thor, Suy Galvez at Moira de la Torre; YouTube and Social Media sensations -Upgrade, Bassilyo, Zendee Tenerefe, Monterozo Twins at Yexel Sebastian; Pinoy Dream Academy finalist - Liezel Garcia; Philippine Idol’s semi-finalist - Gail Blanco-Viduya at Pinoy Pop Superstars finalist - Brenan Espartinez at marami pang surprise guests.
Sa press launch ng The Big One, muli naming nakatsikahan si Thor na suki nila at nagsabing masarap katrabaho ang Aqueous Event group dahil organized at walang problema.
Ayon kay Thor, nalaman niya ang fundraising project na ito nu’ng nasa Canada siya nang mag-guest siya sa show ni Darren Espanto.
“Nalaman ko itong show first week of October pero matagal na yata nila itong binuo, so inalok ako ganu’n, first week ng October,” sabi ni Thor.
Tiyak na mag-i-enjoy nang husto ang manonood ng The Big One dahil bawat artist ay tig-3 kanta. Sulit na sulit nga naman ang bibili ng tickets.
“Masarap ang feeling na nakatulong ka na at nakakapagpasaya ka pa ng tao,” sabi ni Thor.
Kapansin-pansin na lahat ng taga-showbiz ay nakikiisa na sa mga ganitong klaseng proyekto lalo na kung alam nilang makakatulong sa mga biktima ng natural calamities.
Suki na nga si Thor ng benefit shows. “Hindi ko na mabilang kung ilan, mostly ‘yung maysakit ang nanay ng mga kaibigan ko maysakit.”
Naniningil ba siya ng talent fee kapag ganitong projects?
“No, I don’t charge.”
Paano ang arrangement sa management company niya? Kasi alam namin na may sinusunod ding regulasyon ang mga kumpanya, na maski benefit show ay may honorarium din dapat ang artist nila.
“’Yung management ko (Cornerstone Management Talent Agency), walang problema, kunwari may mga kaibigan akong magpapa-benefit show, nagpapaalam na ako (kay Erickson Raymundo) na, ‘Sir, kakanta ‘ko, pro bono ito, ‘tapos sagot sa akin, walang problema’. Minsan may honorarium na pang-gas na inaabot pero hindi ako nag-i-expect. But usually ‘pag benefit show, wala talaga kasi pangtulong sa maysakit,” kuwento ni Thor.
Kung sabagay, subok na rin namin ang Cornerstone na talagang mahilig tumulong sa mga nangangailangan.
Walang regular gig si Thor pero sangkaterba ang shows at events here and abroad kaya nagpapasalamat siya sa blessings na natatanggap niya.
“Babalik ako ng Canada sa February, may solong show ako, plantsado na, hinihintay na lang ‘yung kontrata at kasama rin sa production ‘yung dad ni Darren,” sabi ni Thor.
May nababalitaan na ba siyang benefit show pero hindi naman nakakarating ang proceeds sa dapat pagbigyan?
“Actually, meron. Pero ito (Aqueous Events) ay trusted ko naman sila. Nakilala ko sila last year sa KrisTV at saka malalaman mo naman sa aura pa lang nila kung magsalita, walang kayabang-yabang, may gift ako na nararamdaman ko kung totoo ‘yung kausap ko, nakuha ko yata sa nanay ko,” natawang sabi ni Thor.
“Lahat naman ng tao masi-sense nila kung nagsasabi ng totoo ang kausap, nagkataon na mas malakas lang siguro ‘yung ganu’n ko, kaya sobrang mapagkakatiwalaan sila.”
Kaya sa mga kababayan nating gusto ring tumulong din sa project ng Philippine Red Cross Rizal Chapter, watch n’yo na ang The Big One, All Star Cast benefit show. (REGGEE BONOAN)