Upang maging aktibo at makipagsabayan sa kalakalan sa rehiyon, hinikayat ni Pangulong Aquino ang APEC Community na suportahan ang mga micro-small-medium enterprise (MSME), kabilang na ang mga nasa Pilipinas.

Ito ang panawagan ni Aquino sa APEC MSME Summit sa Makati City.

Iginiit ni Pangulong Aquino na hangad niyang makinabang din ang maliliit na negosyo sa malawak na merkadong ibinibigay ng economic integration ng APEC.

Sinabi ni PNoy na kung malakas na growth driver ang mga MSME sa Pilipinas, tiwala siyang mangyayari rin ito sa APEC, at tinukoy niya bilang patunay na 97 porsiyento ng bumubuo sa mga business enterprise ay mga MSME, nakakalikha ng 50 porsiyento ng total employment at 50 porsiyento ng Gross Domestic Product sa Asia Pacific.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

“Kaya po puspusan ang ginagawa ng gobyerno ng Pilipinas sa pangunguna ng DTI para mapalago at mapalakas ang mga MSME sa bansa,” wika pa ni PNoy.

Idinagdag ng Pangulo na hindi na rin bago ang MSME sa APEC kaya may nasimulan nang inisyatibo, gaya ng APEC Crisis Management Center, APEC SME Innovation Center, at APEC Start-up Accelerator Network.

Samantala, binigyang-diin din ni PNoy sa APEC CEO Summit na kooperasyon ang hangad niyang makamit sa hosting ng Pilipinas sa APEC Leaders’ Summit.

Panawagan ni PNoy na sa halip na pagtuunan ang mga bagay na naghahati-hati sa rehiyon, mas mainam na tutukan ang mga bagay na mapagtutulungan ng mga bansang kasapi ng organisasyon.

Ayon kay Aquino, halimbawa dito ang kooperasyon sa panahon ng kalamidad, lalo pa at ang mga miyembrong ekonomiya ay nasa tinatawag na “Pacific Ring of Fire.”

Naniniwala rin si Pangulong Aquino na mas malakas at kayang mapagwagian ang mga hamon sa rehiyon, lalo na sa sektor ng kalakalan, kung sama-sama ang lahat na aalisin ang mga balakid sa malayang kalakalan. (Beth Camia)