Sa kuryente nabuhay, sa kuryente rin namatay.

Ito ang kasabihan tungkol sa isang 41-anyos na electrician na nabuhay sa pagkakabit ng ilegal na kuryente, na naging dahilan din ng kanyang kamatayan makaraang barilin siya ng hindi nakikilalang suspek sa Malabon City, nitong Lunes ng hapon.

Dead on the spot si Danilo Zinampan, ng Phase 3, Flovi Homes, Paradise Village, Barangay Tonsuya ng nasabing lungsod, dahil sa tama ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Mabilis namang tumakas ang suspek matapos ang pamamaril.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Sa ulat ni PO3 Roger Gonzales, dakong 4:00 ng hapon, nakatayo at kausap ng biktima ang mga kaibigang sina Cezar at Louie sa Damata, Letre Road sa Bgy. Tonsuya nang sumulpot ang supek.

Nang tumabi ang suspek kay Zinampan ay bigla itong bumunot ng baril at pinaputukan nang sunud-sunod ang huli.

Nabatid na sangkot sa pagkakabit ng jumper o ilegal na linya ng kuryente si Zinampan at posibleng kakumpetensiya niya sa naturang gawain ang suspek. (Orly L. Barcala)