Dahil sa nakaraang taong PBA Rookie of the Year na si Stanley Pringle, isa ngayon ang GlobalPort sa ikinokonsidera na posibleng maging championship contender sa halos isang buwan pa lang na PBA 41st Season Philippine Cup.
Nagpapamalas ng tinatawag na workman-like attitude kada laro, ang balbas-saradong Fil-American guard ay nagtala ng kagila- gilalas na performance noong nakalipas na linggo.
Kontra Rain or Shine side, ginamit ng dating Penn State standout ang kanyang outside shooting, liksi at dribbling skills para sirain ang depensa ng Elasto Painters para iangat ang Batang Pier, 113-111, nitong Biyernes sa PhilSports Arena.
Nagbuslo ng isang layup ang 6-foot na si Pringle kontra sa tatlong defender para ipalasap sa Rain or Shine ang una nitong kabiguan, habang giniyahan ang Batang Pier sa ikatlong dikit nitong tagumpay.
Dahil dito, lumikha ang GlobalPort ng four-way logjam sa ikalawang posisyon kasalo ang Alaska, Talk ‘N Text at Rain or Shine sa barahang 3-1, panalo-talo, kasunod ng league-leader na San Miguel Beer (4-1).
Nagtala si Pringle ng personal best na 27 puntos, bukod pa sa walong rebound at anim na assist.
Nakapagposte rin siya ng 11-of-15 shooting sa field na kinabibilangan ng tatlong three-point shots.
Nakamit ng 2014 PBA top rookie pick ang kanyang ikalawang Accel-PBA Press Corps Player of the Week ngayong season, matapos ungusan sina two-time league MVP June Mar Fajardo ng San Miguel Beer, at Talk ‘N Text combo guard Jayson Castro para sa weekly citation. (Marivic Awitan)