Thailand, tinalo ang ‘Pinas sa Asean Basketball League.

Ipinahiya ng Hi-Tech Bangkok City ang bagong-bihis na Pilipinas MX3 Kings, 86-64 sa road game ng Asean Basketball League (ABL) na ginanap sa San Juan Gym.

Matapos ang first quarter, na angat lang ng apat na puntos ang mga Thai, 23-19, naglatag ang mga ito ng 14-1 run sa second period sa pangunguna nina Tyler Lamb at Chris Charles para maiposte ang 16 na puntos na bentahe sa halftime, 49-33.

Sa second half, sa halip na makadikit ay lalong naiwan ang Kings nang buksan ng Hi-Tech ang third quarter sa pamamagitan ng 12-3 blast na tuluyan nang nagbaon sa mga ito, makaraang mabigo sina Willie Miller at Jeremy King na bigyan ng kaukulang suporta ang import na si Arizona Reid.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Pinamunuan ni Charles ang Hi-Tech sa itinala nitong 24 na puntos at 19 na rebounds bukod pa sa tatlong block, habang nagdagdag naman si Lamb ng 15 puntos at 10 rebounds.

Dahil sa panalo, ang kanilang ikatlong sunod sa sindami ring laro, umangat ang Hi-Tech Bangkok City sa solong pamumuno habang bumaba naman ang Kings sa ikaapat na puwesto kapantay ng Saigon Heat, na may isa pa lang na panalo matapos ang tatlong laro.

Susunod na makakalaban ng Pilipinas MX3 Kings ang Singapore Slingers, na kasalukuyang nasa ikatlong posisyon taglay ang barahang 3-2, panalo-talo, sa Nobyembre 20, dito rin sa bansa. (MARIVIC AWITAN)