Bumagsak ang tatlong malaking arko na nagpapahayag ng malugod na pagtanggap sa mga leader at delegado ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit ngayong linggo, sinabi kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Dakong 10:30 ng umaga nang unang bumagsak ang bakal na arko na may nakasulat na “Welcome Delegates” sa bahagi ng Cultural Center of the Philippines (CCP) at Roxas Boulevard sa Pasay City.
Nabagsakan ng arko ang isang nakahimpil na Philippine National Police (PNP) mobile car at masuwerteng walang pulis sa loob ng nasabing sasakyan nang mangyari ang insidente.
Bandang 12:00 ng tanghali ay bumagsak din ang arko na nakalagay sa Vicente Sotto sa Roxas Boulevard at wala namang naiulat na nasaktan dito.
Pasado 12:00 ng tanghali naman nang iniulat ng MMDA ang pagbagsak ng bakal na arko sa kanto ng Buendia at Macapagal Boulevard.
Agad namang nagkasa ng clearing operations ang mga tauhan ng MMDA upang linisin at tanggalin ang debris sa mga nabanggit na kalsada lalo at nagsimula na kahapon ang pagdating ng ilang delegado sa pagpupulong. (BELLA GAMOTEA)