Ipinakakansela ng grupong transportasyon na 1 Utak ang operasyon ng Transportation Network Company (TNC) ng Uber taxi sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Sa isinumiteng petisyon sa LTFRB, binigyang-diin ng 1 Utak na hindi dapat bigyan ng LTFRB ng karapatang mamasada ang Uber online transport company, dahil sa isa itong TNC at walang prangkisa.

Iginiit ng 1 Utak na may kinikilingan umano ang LTFRB sa pagkakaloob ng provisional authority to operate sa Uber, samantalang silang mga grupo ng sasakyan na may lehitimong prangkisa ay hindi pinapayagan ng LTFRB na mag-extend ng validity ng prangkisa at hindi rin pinapayagang magpalit ng unit.

Sinabi pa ng transport group na kaya hindi na nagpapalabas ang LTFRB ng prangkisa sa kanila ay dahil marami na ang pampasaherong sasakyan, na nagbubunsod ng pagsisikip ng trapiko sa Metro Manila.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Subalit mas malubha ngayon ang pagsisikip ng trapiko sa Kamaynilaan dahil dumami ang sasakyang ipinapasada ng Uber, ayon kay Zenaida Maranan, national president ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP), na kasapi ng 1 Utak.

Dagdag pa ni Maranan, dapat ay kinonsulta muna ng LTFRB ang mamamayan bago binigyan ng awtorisasyong makapasada ang Uber upang maihayag naman ang kanilang saloobin tungkol dito.

Aniya, matapos pahintulutan ng LTFRB ang pagpasada ng Uber kahit walang prangkisa ay lalong kinapos ang kita ng maraming lehitimong driver ng mga pampasaherong sasakyan. - Jun Fabon