NAGBIBIGAY-PUGAY ngayon ang mga Belgian sa kanilang Hari at sa Royal Dynasty sa pagdiriwang nila ng “King’s Day” o “King’s Feast”. Ipinagdiriwang ang King’s Day sa Belgium simula noong 1866. Una itong ipinagdiwang bilang pagbibigay-pugay kay King Leopold I (1790-1865), na unang hari ng Belgium kasunod ng paglaya ng bansa mula sa Netherlands noong 1831. Noong una ay tinawag na “Day of Dynasty” o “Feast of Dynasty”, ang terminong “King’s Day” ay ginawang opisyal matapos na ipalabas ng gobyerno ang isang circular noong 1953.

Makalipas ang halos kalahating siglo, noong 2001, sinimulan ng Belgian Federal Parliament ang tradisyon ng pagsisimulan ng selebrasyon sa pamamagitan ng isang church service sa umaga, sa Brussels Cathedral kasama ang royal family (maliban sa Hari at Reyna), at iba pang matataas na opisyal. Hindi dumadalo ang Hari sa okasyon dahil idinidikta ng protocol na hindi tamang dumalo siya sa pagbibigay-pugay sa kanyang sarili. Inaawit ang isang Te Deum at pagkatapos, dadalo ang royal family sa isang pulong sa Parlamento. Sa hapon, magtutungo naman ang royal family, kasama ang mga opisyal ng gobyerno, sa Senado ng Belgium para sa seremonya, at sa pagtatapos ay aawitin ang Brabanconne, ang pambansang awit ng Belgium. Manonood ang Hari mula sa balkonahe habang sinasaluduhan siya ng militar.

Ang monarkiya ng Belgium ay saklaw ng Konstitusyon, at ang Hari ang Commander-in-Chief ng Belgian Armed Forces at ang tagapangalaga ng pambansang pagkakaisa at kalayaan. Pinagkalooban siya ng kapangyarihang ehekutibo at isa siya sa bumubuo sa federal legislative power, kasama ang dalawang kapulungan ng Federal Parliament – ang Chamber of Representatives at ang Senado. Nilalagdaan at pinagtitibay niya ang lahat ng batas na ipinasa ng Parlamento.

Ang ugnayang diplomatiko ng Republika ng Pilipinas at ng Kingdom of Belgium ay pormal na naselyuhan noong Hulyo 4, 1946. Ang ugnayan ng dalawang bansa ay sinaklawan ng malapit na pagtutulungan para sa kapwa pagsusulong ng demokrasya, kalayaan, kapayapaan, at ng kabutihan at kaginhawahan ng kani-kanilang bansa at mamamayan. Ipinakita sa estadistika ng Belgian National Institute of Statistics na may 3,000 Pilipino ang nagtatrabaho sa Belgium, karamihan ay empleyado sa mga hotel o tripulante sa mga barkong Belgian.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Setyembre 2014, sa kanyang pakikiharap sa Kanyang Kabunyian, King Philippe, at sa mga opisyal ng federal government ng Belgium, binigyang-diin ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang kahalagahan at taos-pusong pinasalamatan ang mga kontribusyon ng Belgium sa pagpapaigting ng ugnayang Pilipinas-Belgium sa mga larangan ng kalakalan at pamumuhunan, kawanggawa, pagpapalawak ng pakikipagkapwa, at pandaigdigang ugnayan na pinakikinabangan ng dalawang bansa habang kapwa nagtataguyod ng parehong pagpapahalaga sa demokrasya at pagtalima sa batas.