AKALA ba namin updated sa showbiz si Atty. Ferdinand Topacio, pero bakit hindi niya kilala si Ken Chan? Hindi rin niya alam na isa sa sinusubaybayang TV show ngayon sa GMA-7 ang Destiny Rose na pinagbibidahan ni Ken.
Nai-tweet kasi ng Pep na plano ni Ken na mag-abroad ‘pag natapos na ang Destiny Rose, “to refresh” sa pagganap bilang transwoman. Ang sagot ni Atty. Topacio na idinaan din sa Twitter ay, “And who, pray tell, might Ken Chan be?!!!”
Hindi pa yata nababasa ng supporters ni Ken at viewers ng Destiny Rose ang tweet ini Atty. Topacio, kaya dedma sila.
O, kung nabasa man ang tweet ni Atty. Topacio hindi na lang nila pinansin dahil ang importante sa kanila, maganda ang pagtanggap ng viewers sa Afternoon Prime at sa acting ni Ken.
Sa episode last Friday, ipinalabas na ang transformation ni Ken bilang transwoman at makikilala na siya bilang si Destiny Rose. Ang ganda ni Ken at tama ang nagsabing kamukha niya si Katrina Halili.
Tungkol sa nabanggit ni Ken na pagpunta ng ibang bansa after ng Destiny Rose, sa simula pa lang ng soap, sinabi na ito ng dad niya na pure Chinese. Dadalhin niya sa Hong Kong si Ken para doon ipagpag ang gay character na mahusay niyang ginagampanan. (Nitz Miralles)