SI Janella Salvador ang pangunahing bida sa Haunted Mansion na entry ng Regal Entertainment sa 2015 Metro Manila Film Festival mula sa direksiyon ni Jun Robles Lana.
Kaya naman siya ang unang ipinainterbyu nang solo ni Mother Lily Monteverde sa entertainment press at sa tingin namin, siya ang bagong apple of the eye ng Regal matriarch.
In fairness, marunong naman umarte ang dalagita kaya siguro ginawa agad siyang bida sa Haunted Mansion bagamat malaking challenge ito kay Janella dahil launching movie pala niya ito.
“Oo nga po, I just got surprise kasi first movie ‘ko tapos second MMFF ko pa, so everything is coming so big, everything is coming sabay-sabay, hindi ko alam what I did and if I deserved it, so napaka-happy ko. I don’t want to call myself lucky, gusto ko blessed kasi lagi akong nagpi-pray na, ‘thank you for everything.’
Hindi nagsi-sink in sa akin na ibinibigay ‘yung album, movie, ‘tapos nagkateleserye ako after Be Careful With My Heart, it’s all coming so fast,” masayang sabi ng dalagita.
Ayon kay Janella ay masaya ang Mama Jenine (Desiderio) niya dahil, “Dati ako lang ang sumasama sa kanya sa taping, pero ngayon minsan siya na ‘yung sumasama,” kuwento ng bagets.
Samantala, natanong si Janella kung okay lang ba na horror ang launching movie niya.
“At first nagtanong po ako kasi horror nga, so paano kaya ‘yun, but okay na rin kasi something big na ibinigay sa akin and nag-enjoy naman ako in making the film and I trusted Direk Jun and in everyone’s powers,” paliwanag ng aktres.
Tinanong siya ni Bossing DMB kung pinapangit o deglamorized siya sa Haunted Mansion.
“Ahh, di ba you always see me kikay, this time para siyang simpleng tahimik na role, so parang ibang-iba. Walang arte, normal person ako dito,” sagot ng batang aktres.
Mahilig ba siyang manood ng horror movies?
“Actually, yes, mahilig akong manood, pero takot din ako hindi ako makaakyat (ng bahay) mag-isa.”
Ano ang favorite horror movies niya?
“Insidious, wina-watch ko na rin ‘yung Shake, Rattle and Roll series, nag-i-enjoy naman ako. My mom was in Feng Shui last year, so pinanood ko rin.”
Hindi ba kinakabahan si Janella na pawang malalaking pangalan at sikat ang mga makakasabayan niyang artista sa MMFF 2015, like JaDine, AlDub at LizQuen?
“Matindi! Actually, I’m not expecting anything big naman because first of all, horror naman ito. Sila ‘yung kilig, magkakaiba kami ng genre and I know naman not all people watch horror, so hoping talaga na ang i-give na lang sa amin ay maging successful ‘yung movie,” sabi ni Janella.
Sa tingin niya ay mapapasama sa top 5 ang Haunted Mansion?
“Hmmm, I don’t exepect, I’m expecting na maganda ‘yung kinalabasan and suportahan din siya. Ako, natatakot ako sa mga ghost, natakot ako sa set, totoong takot, walang acting,” kuwento ng batang aktres.
Kinumusta rin ng mga katoto ang loveteam nila ni Mario Mortel na botong-boto ang mama niya.
“In real life? We’re still friends kasi bawal pa naman akong magka-boyfriend, bawal pa ng mom and hindi ko pa naman napi-feel na kailangan ko,” diretsong sagot ng dalagita.
Inusisa namin sa kanya ang isyung nagkakaroon sila ng gap ng mama niya, at kung okay na ba sila.
“Well, it’s normal naman for parents and children na may age na nagkakaroon ng misunderstanding, many people go through it talaga so ‘yun lang talaga ‘yung stage na ‘yun. Hindi naman ako nagrebelde or anything, wala namang ganu’n. Pero ngayon, we’re okay now,” sagot ni Janella.
At sa makukulit na manliligaw, ang kuwento ni Janella, “Kino-close ko (kinakaibigan) agad sila, it’s up to you naman how to limit, eh. Saka hindi ko nararamdaman na kailangan ko (ng boyfriend),” diin ng dalagita.
Sino ang crush niya?
“Wala akong crush sa ABS(-CBN).”
Sino ang girl crush niya?
“Wala rin, peg lang, si Emma Watson. Local, I always like Anne Curtis, the way she carries herself. Meron pa, super ina-admire ko ang career path ni Sarah G, super galing niya.”
Singer si Sarah, samantalang bagamat kumakanta ay mas nakikilala siya bilang aktres.
“It just started pa lang, kasi may album, ‘tapos kaka-number one pa lang niya like two weeks ago. May mga original songs naman , ‘tapos ni-revive ko rin ‘yung song ni Sharon Cuneta na Dear Heart.”
Makakasama ni Janella sa Haunted Mansion sina Mario, Jerome Ponce at iba pa. (REGGEE BONOAN)