NALALAPIT na ang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) meeting na nakatakdang idaos sa ating bansa. Inaasahang dadalo ang mga pinuno at iba pang matataas na tao mu;a sa iba’t ibang bansa. Kaya naman ibayong paghahanda ang ginagawa ng ating gobyerno. Parang isang may-ari ng bahay na may inaasahang natatanging bisita. Nililinis ang buong bahay at ang paligid nito. Lahat ng mga bagay na hindi maganda sa paningin ng makakakita ay inaayos o inaalis na ang layunin ay maging kapuri-puri at kahanga-hanga ang daratnan ng bisita.
Ang problema, sa pagnanais na maging maganda at maayos ang hitsura ng bansa, eh, istilong Marcos din ang ginagawa ng kasalukuyang gobyerno. Noong si Pangulong Marcos ay tumatanggap ng bisita, hinuhuli ang mga nagkalat na dukha at palabuy-laboy sa kalye lalo na sa mga lugar na tutunguhan o daraanan ng mga bisita. Tinatakpan ng mga pininturahang yero o plywood ang mga lugar kung saan naninirahan ang mahihirap nating kababayan. Ayaw ng mga taong gobyerno noon na makita sila at ang kanilang kalagayan. Salungat kasi ito sa ipinagmamalaki ni Pangulong Marcos na karangyaang bunga ng kanyang diktadurang pamamahala.
“Hindi na tayo natuto sa ating nakaraan” wika ni Bishop Pabillo sa ginagawa ngayong paghahanda ng ating gobyerno para sa papalapit na APEC. Kasi, nililinis din ang mga kalye at lugar na daraanan at pagdarausan ng pulong.
Tinitipon sila at itinatago sa isang lugar kung saan sila ay pansamantalang patitirahin, pakakainin at bibigyan pa ng pabuya. Tulad ni Pangulong Marcos, ayaw ipakita ng kasalukuyang rehimen ang mukha ng kahirapan. Matagumpay na maitatago sa mga banyaga ang ating kahirapan. Pero, ikatutuwa ba natin ang ganitong uri ng panloloko? Sa ating mga sarili, makakatkat ba sa ating isipan na ang bayan natin ay mistulang libingan na makintab sa labas pero mga uod ang nasa loob. Ikinahihiya ng mga nasa gobyerno ang kanilang kapalpakan. Dapat lang, sapagkat sa kabila ng pangako ni Pangulong Noynoy na babakahin niya ang kahirapan, nananatiling mahirap ang mamamayan. Nasa estero at kalye sila kung saan sila ay hinuhuli para itago at ilayo upang hindi makita ng mga bisita. (RIC VALMONTE)