Sisimulan na ng Bureau of Corrections (BuCor) ang paggamit ng mga container van bilang prisoners’ quarters upang maibsan ang pagsisiksikan ng mga bilanggo sa mga dormitoryo ng New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City.

Pinasinayanan kahapon ng mga opisyal ng BuCor ang prototype ng prisoner’s quarters kasabay ng selebrasyon ng anibersaryo ng kawanihan. Ang bawat container van ay mayroong kama, palikuran, sapat na bentilasyon at maaaring tirahan ng anim na bilanggo.

Sinabi ni BuCor Director Ricardo Rainier Cruz III na ang unang batch ng container van ay ipoposisyon sa Medium Security Compound ng NBP.

Sa kabuuang 23,316 na nakapiit sa buong NBP facility, 15,197 ang nasa maximum security compound; 6,194 sa medium; 548 sa minimum; at 1,377 sa Reception and Diagnostic Center (RDC).

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Gayunman, ang NBP facility ay idinisenyo para sa 13,000 preso lang.

Sinabi ni Cruy na mas makatitipid ang BuCor sa paggamit ng mga container van sa halip na magtayo ng karagdagang kongkretong dormitoryo dahil sa napipintong paglipat ng NBP sa Laur, Nueva Ecija.

Base sa datos ng Public-Private Partnership (PPP) program, aabutin ng P50.18 bilyon ang konstruksiyon ng bagong prison facility sa Nueva Ecija, na may kapasidad para sa 26,880 bilanggo.

Ayon naman sa source, aabot sa 22 pribadong indibiduwal ang umaangkin sa lupain na pagtatayuan ng bagong pasilidad, at ito ang dahilan sa pagkakaantala sa pagpapatupad ng multi-bilyon pisong proyekto. (JONATHAN HICAP)