SAN JOSE CITY - Nabulilyaso sa planong panghoholdap ang umano’y leader ng Ibay Group at kasama nito, matapos siyang bumagsak sa kamay ng pinagsanib na operatiba ng Lupao Police at 2nd MP PPSC Platoon, habang nagsasagawa ng routine checkpoint sa Lupao-Muñoz Road sa Barangay Mapangpang, nitong Linggo ng hapon.

Sa ulat ni Senior Insp. Alexander Reyes, team leader ng Provincial Public Safety Company (PPSC), kay Supt. Ricardo Villanueva, hepe ng Nueva Ecija PPSC, kinilala ang suspek na si Arnold Ibay y Sabalan, habang hindi naman pinangalanan ang kasama niya.

Si Ibay ang sinasabing leader ng grupo na responsable sa serye ng robbery hold-up at carnapping activities sa mga bayan ng Lupao, Science City of Muñoz, Guimba, Talugtog at Tarlac.

Nagkapalitan pa ng putok sa checkpoint, na tinangkang takasan ni Ibay, at tinamaan ng ligaw na bala si Ayana Dadag, residente sa nasabing lugar.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Itinuro naman si Ibay ng isang testigo bilang tumangay sa motorsiklo ni Rodney Melibo, 26, tauhan sa manukan, ng Barangay Senese, Talugtog, nang holdapin ang huli nitong Nobyembre 4.

Inireklamo rin si Ibay ng panghoholdap kay Raymond Dela Cruz y Pigao, 21, ng Bgy. Sto. Niño 1st, San Jose City. (Light A. Nolasco)