Pilit na kukumpletuhin ng nagpapakitang gilas na Foton Tornadoes ang apat na koponang semifinals sa pagsagupa nito sa napatalsik nang Meralco Power Spikers sa una sa dalawang tampok na laro sa 2015 Philippine Super Liga (PSL) Grand Prix women’s volleyball tournament ngayong hapon sa Cuneta Astrodome.

Sasagupain ng nag-iinit na Tornadoes ang kinakapos sa enerhiya na Power Spikers sa ganap na 4:00 ng hapon na agad naman susundan ng isa pang importanteng salpukan sa pagitan ng Philips Gold at nanganganib na tuluyang mapatalsik na RC Cola Air Force Raiders sa ganap na 6:00 ng gabi.

Itataya ng Foton ang itinala nitong tatlong sunod na panalo sa paghahangad sa kabuuang ikalimang panalo mula sa ikawalong laro upang masiguro nito ang muling pagtuntong sa semifinals. Kasalukuyang bitbit nito ang 4-3 panalo-talo na kartada para sa ikaapat na pagkalahatang puwesto.

“We’re just getting our chemistry going and the members of the team are now getting to know each other’s move and how they play inside the court and it is a good sign especially that we are just closing on the important games,” sabi lamang ni Foton import Kathleen Messing.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

Katulong ni Messing na mula sa Pepperdine University ang nagbabalik sa torneo na si Lindsay Stalzer mula Bradley University na doble kayod sa pagtulak sa Tornadoes na mailabas ang tunay na lakas sa paghahangad na rin naman ng koponan na makatuntong sa kampeonato ng prestihiyosong inter-club na torneo.

“Definitely, no messing around,” pagbibiro ng magandang import na binitbit ang Tornadoes sa huling maigting nitong panalo kontra Philips Gold sa loob ng apat na set. “Our team had a lot of great potentials and I can’t say anything now unless we play hard out there to reach our goal,” sabi pa nito.

Tanging nakasiguro na sa silya sa semifinals ang nagtatanggol na kampeon na Petron Blaze Spikers at ang dating nangunguna na Cignal HD Spikers na huling binigo ang RC Cola-Air Force, 25-19, 20-25, 25-10, 25-19, upang pormal na makapasok sa semifinals sa laro na ginanap sa Malolos Sports and Convention Center.

Nagawa ding makabangon ng Philips Gold sa nasabing lugar matapos itala ang kumbinsidong tatlong set na panalo kontra sa Meralco sa iskor na 25-12, 26-24 at 25-19.

Puwersado na ang Raiders na ipanalo ang lahat ng natitira nitong tatlong laban at kinakailangan din nitong itala sa pagwawagi sa tatlong set lamang upang umasa na makaagaw ng puwesto sa susunod na labanan.

Sakaling manalo ang Foton sa unang laro ay makakamit nito ang ikalimang panalo at tuluyang mapagsasarhan ng puwesto ang RC Cola Air Force na tanging makakaabot lamang sa apat na panalo. (ANGIE OREDO)