Nakaiwas ang Barangay Ginebra sa isa na namang pagkabitin sa end-game matapos nitong maungusan ang Alaska, 93-92, kahapon ng madaling araw (8:00 ng gabi sa Dubai) na naging dahilan upang makapasok sa win column sa ginaganap na 2016 PBA Philippine Cup sa Al Wasi Stadium, sa Dubai, United Arab Emirates.

Matapos mabigo sa kamay ng Barako Bull, 79-82, kung saan nawala nila ang 21-puntos na bentahe, naulit ang nasabing pangyayari kontra Aces kung saan nabura ng huli ang kanilang 19 na puntos na bentahe.

Salamat na lamang sa kanilang big man na si Greg Slaughter na siyang nagsalba sa kanila upang makamit ang unang panalo sa loob ng tatlong laro.

Bukod sa pagbuslo sa marginal basket, pinangunahan din ni Slaughter ang nasabing panalo matapos magtala ng 27-puntos kabilang na ang huling anim na free throws na siyang nagbigay sa kanila ng kalamangan at tagumpay bukod pa sa 19 na rebounds.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Maliban kay Slaughter, tumapos ding may double-double performance si Japeth Aguilar para sa Kings sa itinala nitong 23-puntos at 12 rebounds.

Dahil sa panalo, ipinalasap ng Kings sa Aces ang una nitong pagkabigo sa unang apat na laro.

Hindi halos kinakitaan ng anumang senyales ng pagkapagod ang Aces na naglaro ng dalawang sunod na araw sa nasabing Dubai stint ng PBA matapos nilang maghabol mula sa 19-puntos na pagkakaiwan sa pangunguna nina Calvin Abueva at Vic Manuel.

Itinala ni Abueva ang 9 sa kanyang team-high 23-puntos sa final canto habang ipinoste naman ni Manuel ang 4 sa kanyang kabuuang 14-puntos na output sa huling minuto ng laro kabilang na rito ang isang basket na nagbigay sa kanila ng kalamangan sa huling pagkakataon sa iskor na 92-91.

May tsansa pa sana ang Alaska na maagaw ang panalo, ngunit bigo sina Manuel at Jayvee Casio sa kanilang mga jumper bago tumunog ang final buzzer.

Ang Iskor:

GINEBRA 93 – Slaughter 27, Aguilar 23, Tenorio 14, Caguioa 11, Thompson 8, Marcelo 4, Devance 2, Brondial 2, Ellis 1, Mercado 1, Helterbrand 0, Mariano 0

ALASKA 92 – Abueva 23, Hontiveros 15, Manuel 14, Jazul 9, Menk 6, Baclao 6, Baguio 4, Thoss 4, Exciminiano 4, Casio 3, Dela Rosa 2, Dela Cruz 2, Banchero 0, Magat 0

Quarterscores:

24-21, 56-37, 75-66, 93-92 (MARIVIC AWITAN)