ANG panahon ng Himagsikan sa kasaysayan ng iniibig nating Pilipinas ay nagsilang ng mga bayaning nagbuwis at nag-alay ng kanilang buhay, dugo, talino at sakripisyo alang-alang sa kalayaang tinatamasa natin ngayon at inaalagaan. Isa sa mga pambansang bayani na hindi kilala ng ilang kabataan ngayon na bugok sa history ay si Apolinario Mabini--ang Batanggenyong kinikilalang “Utak ng Himagsikan” at kilala rin bilang Sublime Paralytic o Dakilang Lumpo.
Ayon sa kasaysayan, si Apolinario Mabini ay isinilang sa Talaga, Tanauan, Batangas (isang lungsod na ngayon).
Nagsimulang mag-aral sa Tanauan, Batangas at nagpatuloy sa Colegio San Juan de Letran at nagtapos ng abugasiya sa Unibersidad ng Santo Tomas. Kung pag-uusapan ang pagkakaroon ng adbentura sa mga babae, si Mabini ay hindi isang great lover o dakilang mangingibig na tulad ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal na sinasabi ng iba ay isang international playboy.
Masasabing ang pinakadakilang pag-ibig ni Mabini ay ang pagmamahal na iniukol niya sa ating Perlas ng Silanganan.
Isa siyang lumpo ngunit hindi ito naging sagabal sa kanyang buhay. Pinatunayan ito ni Mabini sa pagsapi niya sa mga makabayang kilusan at samahan at gumawa siya ng mga lihim na reporma o pagbabago sa pamahalaan. Nagsulat si Mabini ng mga librong may kinalaman sa pulitika, lipunan, pamahalaan, at kasaysayan na nagmulat sa mga Pilipino noong panahon ng Himagsikan.
Mababanggit na isang halimbawa ang kanyang “Tunay na Sampung Utos” na ang layunin ay ang pagpapalaganap ng nasyonalismo o pagiging makabayan. Ayon kay Mabini, hindi natin makakamit ang kalayaan ng bayan hanggang hindi isinasakripisyo ang ating sarili. Hindi dapat pansinin kung mamatay man tayo sa gitna o dulo ng ating mahirap na paglalakbay. Ang talino ni Mabini ay kinilala ng ibang mga lider tulad ni Heneral Emilio Aguinaldo na humirang sa kanya upang maging tagapayo at cabinet member o miyembro ng gabinite. Sa payo ni Mabini, naitatag ang Unang Republika ng Pilipinas at ang Pamahalaang Rebolusyonaryo.
Ang hindi malilimot sa buhay ni Mabini ay ang hindi niya panunumpa sa gobyerno-Amerikano at di-pagtanggap ng tungkulin at ang lantaran niyang pakikiisa sa Himagsikan. Ayon kay Mabini, ang Himagsikan ay makatarungan para ibagsak ang gobyernong dayuhan na umagaw sa karapatan ng mga mamamayan sa pamamagian ng dahas. Makatarungan din ang Himagsikan laban sa gobyernong nasa kamay ng kababayan kung ang pamahalaan ay lumalabis sa kanyang kapangyarihang ipinagkaloob ng bayan upang pangalagaan ang katarungan. At kung ang nasabing gobyerno ay ginagamit ang kapangyarihan sa sariling kapakanan at pagkakamit ng kanyang sariling kaginhawahan. (CLEMEN BAUTISTA)