Pinalakas ng defending champion National University (NU) ang tsansa nilang umusad sa Final Four round makaraang talunin ang University of the Philippines (UP), 75-69, kahapon sa second round ng UAAP Season 78 men’s basketball tournament sa Araneta Coliseum.

Nagposte ng double 26-puntos at 10 rebounds si Gelo Alolino at 15-puntos at 17 rebounds naman si Alfred Aroga na mga namuno sa nasabing panalo ng Bulldogs na nag-angat sa kanila sa barahang 6-7, panalo-talo.

Magkagayunman, hindi na hawak ng Bulldogs ang kanilang kapalaran dahil nakasalalay ito sa resulta ng huli nilang laban at nalalabing tatlong laro ng La Salle.

Kailangan ng Bulldogs na maipanalo ang huling laban nila kontra league leader Far Eastern University (FEU) sa Nobyembre 14 at umasang hindi makaabot ng walong panalo ang sinusundang Green Archers na may laban din kahapon kontra Ateneo Blue Eagles.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Sakaling magwagi ang Bulldogs sa FEU at magtabla sila ng La Salle sa pagtatapos ng eliminations, kailangan pa nilang magharap sa isang playoff match kung sino ang kukuha ng huli at pang-apat na slot sa Final Four at makakasama ng mga nauna ng semifinalist FEU, UST at Ateneo.

Nanguna naman sa Fighting Maroons na tuluyan ng namaalam sa tsansa nilang umabot sa semis sina Jet Manuel at Diego Dario na kapwa umiskor ng tig-13 puntos at tig-3 rebounds.

Dahil sa kabiguan, bumaba ang Maroons sa barahang 3-9, panalo- talo. (Marivic Awitan)