Nasa ikalawang taon pa lamang si Fil-American guard Stanley Pringle bilang isang professional player, ngunit nagsisilbi na siyang lider para sa Globalport sa patuloy na paghahangad ng kanilang kauna-unahang PBA Championship ngayong season.
Kagagaling pa lamang ng kanyang ‘ankle injury’ na ininda nito noong nakaraang Governors Cup, hindi nag-aksaya ng panahon si Pringle na ipakitang handa na siyang mag-contribute sa kampanya ng Batang Pier.
Ang dating Penn State standout ay nagpamalas ng ‘beast mode’ kontra Star noong Biyernes matapos magtala ng 13 sa kanyang game-high 23 puntos upang pamunuan ang GlobalPort sa 101-94 upset, ang una nilang panalo sa ginaganap na PBA’s 41st season
Walang duda na ang 28- anyos na si Pringle ay mas malawak ang karanasan kumpara sa kanyang mga teammate, dahil nakalaro na ito sa Belgium, Poland, Ukraine at sa ABL sa koponan ng Indonesia Warriors, bago naging PBA top rookie pick noong nakaraang taon.
Ngunit ayon kay coach Pido Jarencio, espesyal si Pringle dahil sa magandang pag-uugali nito kahit pa ang kakamping si Terrence Romeo ang higit na mas nakikilala bilang mukha ng prangkisa ng Batang Pier.
“Ang maganda kasi kay Stan, he’s all-out pag pumasok na sa court. And para sa kanya, walang sapawan (with Romeo) though lagi ko naman nire-remind sa team na pagnanalo tayo, sama-sama tayo dito, at ganun
din pag natalo tayo,” pahayag ni Jarencio.
Si Pringle na nagtala din ng 5 assists at 4 na rebounds kontra Hotshots, ang napili bilang Accel-PBA Press Corps Player of the Week noong Oktubre 26-31 kung saan tinalo niya sina NLEX forward Sean Anthony at Alaska forward Vic Manuel para sa lingguhang citation.
Umaasa si Jarencio na mapapanatili ni Pringle ang magandang performance sa muling pagsalang ng GlobalPort kontra Barako Bull sa darating na Linggo. (Marivic Awitan)