Handa na ang Philippine National Police (PNP) na ipatupad ang Oplan Ligtas Undas sa lahat ng pribado at pampublikong sementeryo sa bansa para sa Araw ng mga Patay sa Nobyembre 1.

Ayon kay PNP chief Director Gen. Ricardo Marquez, inatasan na niya ang lahat ng opisyal ng pulisya, kabilang ang mga regional director, na tiyakin ang seguridad ng magsisiuwi sa mga probinsiya.

Sa Metro Manila pa lang ay may 98 pribado at pampublikong sementeryo ang babantayan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Linggo.

Sinabi ni NCRPO director Chief Supt. Joel Pagdilao na sa ilalim ng Oplan Ligtas Undas ay mahigpit na ipagbabawal sa mga sementeryo ang mga sasakyan, at binalaan ang publiko na iwasang magdala ng armas, deadly weapons at alak kapag binisita ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Nagpalabas din ng direktiba si Pagdilao sa mga police district, sa pangunguna ng limang director kasama ang 38 hepe ng mga himpilan ng pulisya, na istriktong ipatupad ang security deployment sa mga sementeryo upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.

Bukod sa mga sementeryo, tututukan din ng pulisya ang LRT at MRT, mga bus terminal, mga airport, at mga seaport na inaasahang dadagsain ng pasahero sa mga susunod na araw.

Ipinag-utos din ni Pagdilao sa mga district director at station commanders na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at maging sa mga local traffic unit para sa deployment ng mga road safety marshal sa mga estratehikong lugar. (FER TABOY)