Kinasuhan na sa Sandiganbayan si dating Camarines Norte Gov. Jesus Typoco kaugnay ng pagkakasangkot umano niya sa P728-milyon fertilizer fund scam.

Sa inilabas na pahayag ni Ombudsman Conchita Carpio Morales, nakitaan ng sapat na ebidensya ang reklamo laban kay Typoco upang kasuhan ito ng paglabag sa Section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019).

Kasama rin sa kinasuhan sina Provincial Accountant Maribeth Malaluan; Bids and Awards Committee (BAC) Members Jose Atienza, Lorna Coreses, Cesar Paita, Rodolfo Salamero, Jose Rene Ruidera; at Alex Rivera, ng Hexaphil Agriventures, Inc. (Hexaphil) dahil sa paglabag sa Section 3(e) ng RA 3019 at sa 65.3(1) ng Government Procurement Reform Act (RA 9184).

Paliwanag ni Morales, iginawad kay Typoco ang kontrata sa pagbili ng 7,142 bote ng abono sa Hexaphil kahit hindi nagkaroon ng public bidding noong Abril 16, 2004.

National

Tinapyasang budget ng opisina ni VP Sara, ‘di na dapat baguhin – Sen. Risa

Aniya, inalok ni Rivera ng liquid fertilizer product si Typoco, at tiniyak na sila lang ang eksklusibong distributor ng P700 kada bote ng abono.

Ayon kay Morales, maanomalya ang nasabing direktang pangongontrata.

Natuklasan din na ang Hexaphil ay hindi lehitimong kumpanya, dahil wala itong business permit o license to operate.

(ROMMEL TABBAD)