Mahigpit na ipinagbabawal ang pagkain ng mga shellfish mula sa bayan ng Pilar sa Capiz, matapos itong magpositibo sa red tide, batay sa huling monitoring ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Kinumpirma ni Pilar Mayor Gideon Ike Patricio na nagpalabas ng red tide bulletin si BFAR National Director Asis Perez kaugnay ng huling laboratory result, na natukoy na may mataas na toxicity level sa ilang baybayin sa Pilipinas, kabilang na ang Pilar, Capiz.
Ayon kay Patricio, lumampas na sa safe level na 60 unimicrogram per 100 grams ang algal bloom sa karagatan ng Pilar, Capiz, gayundin sa Milagros, Masbate; Bohol; Cambatutay Bay sa Western Samar; Carigara Bay sa Leyte; at Balete Bay sa Davao Oriental.
Dahil dito, iminumungkahi ng BFAR na iwasan ang pagkonsumo, paghahango, pagbebenta at pagbibiyahe ng mga shellfish mula sa nasabing mga lugar hanggang sa bumaba na ang toxicity level nito. BETH CAMIA)