Pinatatag ng Ateneo de Manila ang kapit sa ikatlong puwesto kasabay ng paglakas ng tsansa na makausad sa Final Four round matapos na muling pataubin ang defending champion National University (NU), 68-59, kahapon sa second round ng UAAP Season 78 men’s basketball tournament sa MOA Arena, Pasay City.

Sa simula pa lamang ng laro, nag-init na kaagad si King Eagle Kiefer Ravena at nagposte ito ng 21-puntos kabilang na rito ang anim na sunod na 3-pointers para pangunahan ang Ateneo sa 24-16 bentahe sa first canto.

Tinapos ni Ravena ang first half na may record na 26 puntos, pinakamataas na produksiyon sa first half magmula nang gumamit ang liga ng statistics noong 2003 matapos ang 22-puntos ni dating FEU player Terrence Romeo noong Season 75.

Mula sa 35-38 na pagkakaiwan sa halftime, nakuha pang makalamang ng Bulldogs matapos buksan ang second half ng back to back baskets mula kay Alfred Aroga at JeoffreyJavillonar, 39-38, may 8:53 pang natitira bago ang fourth period.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Ngunit agad din itong binawi ng Ateneo matapos ang jumper ni Ravena, 40-39.Mula doon, nag take over na ang co- captain ni Ravena na si Von Pessumal na bumitaw ng dalawang sunod na 3- pointers upang ilayo ang agwat, 46-39 na hindi na nila binitawan hanggang ganap na maangkin ang tagumpay, ang kanilang ikapito kontra apat na talo.

Tumapos si Ravena na may 32 puntos, 3 rebounds at 2 assists habang nagdagdag naman si Pessumal ng 20 puntos at tig-4 na rebounds at assists para pamunuan ang tagumpay.

Dahil sa kabiguan, bumagsak ang NU sa barahang 4-7, panalo- talo at nanganganib pang hindi sumalta ng susunod na round. (MARIVIC AWITAN)