daniel-padilla-2015 copy

“YES, I have the right age to vote,” nakangiting sabi ni Daniel Padilla nang makatsikahan namin pagkatapos niyang mag-photo shoot para sa advocacy campaign ng National Movement of Young Legislators Alumni (NMLYA) na humihikayat sa first time voters na magparehistro sa Comelec.

Hindi pa nakakapagparehistro si Daniel dahil sa kawalan ng oras at lagi pa siyang ngarag sa tapings ng Pangako Sa ‘Yo, pero tiniyak niya na bago mag-Oktubre 31 ay nakatala na siya sa Quezon City.

Excited si Daniel sa una niyang pakikilahok sa halalan 2016.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

“Siyempre excited kasi mai-exercise na natin ‘yung karapatan nating bumoto. Bawat tao ay may karapatang bumoto, siyempre sino ba ang dapat mamili ng mamahala sa ating bayan kundi tayo rin naman.

“So very excited ako kasi isa siyang privilege gawin. Ini-exercise dapat ang right ng bawat tao na bumoto, kaya lahat ng mga kaibigan ko, isasama ko sila (magparehistro), eh, sandamakmak ang mga kaibigan ko.

Kaya kung sino ang iboboto ko, tiyak panalo na,” nakangiting sabi ng batang aktor.

First time voter si Daniel kaya siya ang napili ng samahang NMLYA para sa ad campaign na hihimok sa lahat upang magparehistro at i-exercise ang kanilang karapatan bilang mamayan ng Pilipinas.

May napili na bang iboboto si Daniel?

“Yeah, ako, may mga sarili rin akong choices pero nagtatanong din ako kay Tito Mike (Planas, na kinikilala niyang stepdad simula nang makarelasyon ito ng kanyang inang si Karla Estrada) ng lahat, like kung ano ang ginawa ng mga pulitikong ito.

“May mga pinag-uusapan kaming ganyan ni Tito Mike parati. Para alam mo ‘yun, alam din natin, hindi tayo basta boto lang nang boto,” kuwento ng batang aktor.

“We should exercise our right to vote bilang mamamayan. Kasi para sa akin, kung nagrereklamo ka sa bansa, huwag kang magreklamo kung ‘di ka naman bumoto. Wala ka namang ibinoto, eh.”

Kaya tinatawagan ni Daniel na magparehistro ang lahat ng mamamayang Pilipino na hindi pa nakapagparehistro lalo na ang mga katulad niya na ngayon pa lang boboto.

Nabanggit din ng batang aktor na pati ang ka-love team niyang si Kathryn Bernardo ay looking forward sa iboboto nilang kandidato.

“Excited na nga rin siya,” saad ng binatilyo.

Magkasama ba silang magpaparehistro?

“Ay, hindi ko alam, kasi magkaiba kami, hindi yata,” mabilis na sagot ni Daniel.

Sabi ng sectetary general ng NMLYA na si Mike Planas, na parang tunay na anak na rin ang turing kay Daniel, iminungkahi niya sa organisasyon na gumawa ng information campaign na ang batang aktor ang mag-encourage sa mga tao na magparehistro.

Ayon sa dating Quezon City councilor, may 4 hanggang 5 milyong bagong botante na kailangang magparehistro at tinatayang aabot naman sa 25 milyon ang lampas na sa youth age na hindi pa rin nakarehistro. (REGGEE BONOAN)