Inihayag kahapon ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino na tuluy-tuloy ang operasyon ng Pasig River ferry system bilang alternatibong transportasyon ngayong Semana Santa.
Ayon kay Tolentino, nagpasya siya na huwag nang suspendihin ang biyahe ng mga ferry boat dahil walang operasyon ang Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT) ngayong Holy Week, upang bigyang-daan ang taunang pagmamantine sa tren at pasilidad ng mga ito.
Paliwanag ng MMDA chief, agamitin din ang Pasig River ferry system sa Visita Iglesia ng mga deboto.
Samantala, nagpakalat si Tolentino ng 2,300 tauhan ng MMDA para sa Oplan Metro Alalay Semana Santa (Oplan MASS) 2015, na magtatagal hanggang Abril 6.
Nabatid na aabot sa 1,627 traffic constable ang nakakalat sa mga lansangan sa Metro Manila habang ang ilang tauhan ng ahensiya ay nakadestino sa mobile patrol at motorcycle units, road emergency group, metro parkway clearing group at sidewalk operations clearing group.
Pinaiiwas din ng MMDA sa mga motorista sa mga lugar na may road at re-blocking projects, na sisimulan sa gabi ng Huwebes Santo (Abril 2) at matatapos sa dakong tanghali ng Linggo ng Pagkabuhay (Abril 5).