LIAN, Batangas - Patung-patong na kaso ang kinakaharap ng isang mister matapos siyang ireklamo sa pananaksak sa sariling asawa at umano’y pangmomolestiya sa dalawa nilang anak sa Lian, Batangas.
Ayon kay PO3 Sheryl Capadosa, unang natuklasan ang pangmomolestiya ng suspek sa mga anak na babae, isang 15-anyos at isang 13 taong gulang, subalit hindi naniwala ang ina ng mga bata.
Muli umanong ginawa ng suspek ang pangmomolestiya sa 15-anyos na anak noong Disyembre 2014 kaya inihiwalay ng mga tiyahin ang dalawang dalagita sa mag-asawa.
Madalas umanong pag-awayan ng mag-asawa ang paglayo ng mga anak na nauwi sa pananaksak ng suspek sa asawa kamakailan, matapos igiit ng mister na ibalik sa kanilang poder ang dalawang anak.
Nagtamo ng saksak sa dibdib ang ginang, na nagbunsod dito para magsampa ng kaso laban sa asawa.
Kasunod nito, kasama ang tiyahin, ay lakas-loob na ring nagsuplong sa pulisya ang dalawang dalagita noong Marso 27 para ireklamo ng pangmomolestiya sa kanila ng ama sa pagitan ng 2011 at 2014.
Pinaghahanap pa ng awtoridad ang nakatakas na suspek.