Mga laro ngayon: (The Arena, San Juan)

2:30 pm -- Philips Gold vs Shopinas

4:30 pm -- Mane ‘N Tail vs Cignal

Makisalo sa liderato ang tatargetin ngayon ng Shopinas sa pagsagupa sa kapwa baguhan na Philips Gold sa pagpapatuloy ng aksiyon sa 2015 Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan.

'Walang matitira, ubos sila!' Netizens napa-react na i-firing squad mga korap

Tangka ng Shopinas Lady Clickers ang ikalawang sunod na panalo sa pagsagupa sa Philips Gold Lady Slammers sa ganap na alas-2:30 ng hapon bago sundan nang salpukan ng Mane ‘N Tail Lady Stallions at nagpalakas na Cignal HD Spikers, na kapwa hangad ang unang panalo, sa ganap na alas-4:30 ng hapon.

Huling tinalo ng Lady Clickers ang nakasagupang Lady Stallions sa apat na set, 25-22, 25-22, 16-25, 25-14, sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna subalit nangangamba pa rin si Shopinas coach Ramil de Jesus sanhi ng kawalan ng mahabang paghahanda kontra sa limang iba pang kasali sa liga.

“Malayung-malayo pa kami sa talagang competitive condition,” sinabi ni De Jesus.

“Hopefully, maka-adjust kami agad sa training at pag-set ng plays,” giit pa ng premyadong coach na itinulak ang De La Salle sa tatlong sunod na korona sa UAAP.

Aasahan naman ng Lady Clickers ang bagong kuha na si Kim Kianna Dy na nagtala ng 10 puntos sa spike, 4 blocks at 3 service aces para sa kabuuang 17 puntos habang nag-ambag si Stephanie Mercado ng 10 puntos at Arianna Angustia na may 9 puntos.

Pilit namang babangon ang Philips Gold na nabigo sa kanilang unang laban sa loob ng tatlong set, 16-25, 18-25, 23-25, kontra sa nagsosolo sa liderato na Petron Blaze Spikers upang mapasakamay ang unang panalo.

Kontra sa Blaze Spikers, nakapagtala ang 2015 top rookie pick ng Philips Gold na si Iris Tolenada ng 14 excellent set sa kabuuang 20 puntos mula sa 72 sa 117 attempts habang si Myla Pablo ay may 13 puntos at tig-8 puntos naman sina Michelle Therese Gumabao at Desiree Dadang subalit nabigo pa rin ang Lady Slammers.

“Medyo nagkakapaan pa ng laro,” ayon kay Lady Slammers coach Francis Vicente. “We need to be consistent in our attacks at saka suportahan sa defense.”

Hangad din ng 2-time runner-up na Cignal na makaahon sa huling puwesto at makamit ang unang panalo sa pagharap sa Mane ‘N Tail na huling nakalasap ng kabiguan kontra sa Shopinas.

Nabigo ang HD Spikers sa kamay ng Foton Lady Tornadoes sa loob ng tatlong set, 18-25, 24-26, 23-25, kahit na nakakuha ng 10 puntos mula kay Jannine Navarro at Maria Lourdes Clemente na may 7 puntos.

Aasa naman ang Lady Stallions sa dating miyembro ng Cignal na sina Honey Royse Tubino at Aby Praca na nagtala ng 14 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod, kung saan ang koponan ay nasa gabay ng dating mga miyembro ng women’s national squad na kumubra ng tatlong sunod na gintong medalya, ang pinakahuli ay noong 1993 Singapore Southeast Asian Games, na sina coach Mary Rose Prochina at Zenaida Chavez.