Sa kabila ng pagkastigo sa kanya dahil sa hindi pagbabayad ng mahigit P2-bilyon buwis para sa 2008 at 2009, nangunguna pa rin ang world boxing champion na si Sarangani Rep. Manny Pacquiao sa listahan ng mga may pinakamalaking binayarang buwis noong 2013.

Ayon sa listahan ng Bureau of Internal Revenue (BIR), batay na rin sa natanggap na regular income tax hanggang Nobyembre 24, 2014 ay mahigit P163 milyon ang binayarang buwis ni Pacquiao.

Pumangalawa sa top individual taxpayers for 2013 si Juanito Pornuevo Alcantara, na nagbayad ng halos P100 milyon at pangatlo ang abogadong si Estelito Mendoza na nagbayad ng mahigit P73 milyon.

Pasok din sa top 10 individual taxpayers for 2013 sina Reynaldo Chico Jr., na nagbayad ng P67.3M; Andrew Tan (founder at chairman ng Megaworld Corp.), P67.1M; Lorenzo Tan (presidente ng Rizal Commercial Banking Corp.), P60.8M; Palawan Gov. Jose Alvarez, P55.6M; Vivian Azcona (presidente ng Mercury Drug Corp.), P51.6M; Oscar Reyes (pangulo ng Meralco), P51.4M; at Vicente Rafael Ayllon (chairman-CEO ng Insular Life), P50.08M.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kabilang din sa top 20 ang mga celebrity na gaya nina Piolo Pascual (ika-14 sa top 20), na nagbayad ng mahigit P42.5 milyong buwis; John Lloyd Cruz (ika-15), na nagbayad ng halos P42M; at pang-16 si Kris Aquino, na nagbayad ng mahigit P40M.

Ika- 19 naman si Sharon Cuneta, na nagbayad ng P39-M buwis; at kinumpleto ni Willie Revillame ang top 20 sa pagbabayad ng P38M.