Ivy Remula

Hangad ng Shopinas na agad imarka ang sariling pangalan sa 2015 Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference women’s volleyball tournament matapos biguin ang Mane ‘N Tail sa apat na set, 25-22, 25-22, 16-25, 25-14, sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna noong Huwebes.

Sinandigan ng Lady Clickers ang bagong kuha na si Kim Kianna Dy na nagtala ng 10 puntos sa spikes, 4 blocks at 3 service aces habang nag-ambag sina Stephanie Mercado, anak ng maalamat na si Lydia De Vega-Mercado, ng 10 puntos at Arianna Angustia na may 9 puntos para sa una nilang panalo.  

“Kulang na kulang pa kami sa ensayo,” sabi ni Shopinas coach Ramil de Jesus, na arkitekto sa ilang titulo ng De La Salle Lady Spikers sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP).

'Walang matitira, ubos sila!' Netizens napa-react na i-firing squad mga korap

“Three times pa lang kami nakakapag-ensayo so basic plays lang muna ang itinawag ko. Medyo nahirapan kami. Hopefully, makabawi kami ng kondisyon after the Holy Week,” pahayag pa ni De Jesus sa hangad na makabawi sa kabiguan sa kampeonato ng nakaraang torneo at itala ang Shopinas bilang isa sa title contender.

Nag-ambag din si Charleen Abigaile Cruz at Michelle Laborte ng tig-8 puntos habang may tig-6 sina Rizza Jane Mandapat at ang setter na si Djanel Welch Cheng para sa baguhang Shopinas.   

Pinamunuan naman ni Honey Royse Tubino at Aby Praca, sa tinipong 14 at 12 puntos, ang Lady Stallions na nasa ilalim nina coach Mary Rose Prochina at Zenaida Chavez na dating miyembro ng women’s national squad na nag-uwi ng tatlong sunod na gintong medalya, ang pinakahuli ay noong 1993 Singapore Southeast Asian Games.

Nakaramdam naman ng matinding hamon ang 2014 Grand Prix champion na Petron Blaze Spikers na nakasama sa unang pagkakataon si Rachel Anne Daquis bago nasungkit ang ikalawang panalo sa paghatak ng apat na set na panalo, 25-18, 26-24, 20-25, 25-19, kontra sa Foton Lady Tornadoes.

Isang matinding spike ang pinakawalan ni Daquis, na hindi nakalaro sa unang laro sa Blaze Spikers dahil sa out-of-town commitment, na nagbigay ng pinakahuling puntos para sa panalo ng Petron sa torneong suportado ng Asics, Mikasa, Senoh, Mueller Sports Medicine, Via Mare, LGR at Healthway Medical.  

Nagposte si Daquis ng 11 puntos kung saan ay mas malaki ang naitulong nito sa depensa upang itulak si Dindin Santiago-Manabat sa pagtala ng conference high na 23 puntos na mula sa 20 spikes, 2 service aces at 1 block na tumabon sa unang araw nito na 13 puntos sa unang laban kontra sa Philips Gold.

Nagpakita rin ng husay ang dating San Beda ace na si Frances Molina at Aby Marano, na tumapos na may 14 at 10, ayon sa pagkakasunod.

“Finally, kumpleto na kami,” pag-amin ni Petron coach George Pascua kung saan ang pagkakadagdag ni Daquis ay lalong nagbigay ng lakas sa koponan.

“She provided a lot of intangibles, especially leadership. Iba kasi talaga mag-motivate ng kakampi si Rachel. I’m glad na nag-rub off sa mga teammates niya ang leadership at energy niya,” sabi ni Pascua.