Kailangang maglaan ka ng oras upang pagnilayan ang sarili mong pangarap. Ano ba talaga ang kailangan mo para sa iyong sarili? Hindi ka dapat nagpapaimpluwensiya sa iyong mga kaibigan at walang maaaring magdikta sa iyo kung ano ang gusto mo sa buhay.
Narito ang huling bahagi ng ating talakayan, ang paraan kung paano nagiging iyo ang pangarap ng ibang tao at kung bakit kailangang manaig ang sa iyo:
- Ang pangarap ng iyong pamayanan sa iyo. – Hindi lamang pangarap ng iyong pamilya at mga kaibigan ang tinutupad mo nang hindi mo namamalayan. Maaari ring igiit sa iyo ng pamayanan ang anumang pangarap para sa iyo – mga pangarap na natitiyak mong hindi mo gusto.
Maraming tao sa lipunan ang maaaring mag-impluwensiya sa iyo na gawin ang isang bagay para sa kanila. Titiyakin nila na maiisip mong mahalaga ang iyong gagawin. Halimbawa, gusto ka nilang maging product executive upang epektibo mong maibebenta ang kanilang produkto dahil kilala ka sa inyong pamayanan at hindi ka matatanggihan; o kaya gusto kang gawing punong barangay dahil marunong ka sa larangan ng pulitika at batas. Maaari rin namang ang mga kapitbahay mo ay may malaking flatscreen TV na; magkukumahog ka ba na bumili rin?
Huwag matakot sa panggigiit ng mga may sinasabi sa lipunan. Huwag mag-atubiling maging iba. Maraming paraan upang harapin ang mga inaasahan sa iyo ng lipunan – maaaring mabuhay ka nang simple at gawin kung ano ang magpapasaya sa iyo. Maaari ngang walang dentista sa inyong pamayanan ngunit kailangan bang ikaw ang espesyal na tao na iyon upang pangalagaan ang ngiti ng bawat nilalang sa inyong lugar? Walang bumbero sa inyong barangay – kailangan bang ikaw ang magpapatay ng apoy tuwing may sunog?
Isa lamang ang buhay mo. Iyon ay buhay mo. Huwag aksayahin ang maraming taon sa paghabol sa mga pangarap ng iba. Maglaan ng panahon upang magdesisyon kung ano ang gusto mo sa buhay at tuparin mo iyon nang buong puso