Kinondena ng National Prosecution Service (NPS) ang pananambang noong Lunes sa isang prosecutor sa San Miguel, Bulacan.

Nakaligtas si San Jose del Monte City Prosecutor Antonio Buan at ang kanyang driver na si Obet Castillo, 51, kapwa residente ng Sta. Rita Bata, San Miguel, matapos silang tambangan ng apat na lalaki na sakay ng motorsiklo.

Sa isang pahayag, hiniling ni Prosecutor General Claro Arellano sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa insidente upang matukoy ang nasa likod ng pananambang.

“The timing and circumstances of the attack against City Prosecutor Buan raise serious questions about whether the attack was related to his work as a prosecutor. The ambush of City Prosecutor Buan is another tragic episode in the sordid saga of the dangers faced by our prosecutors in the performance of their duty,” ayon kay Arellano.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Bilang isang opisyal ng NPS, binigyang-diin ni Arellano ang mahalagang papel ng mga prosecutor sa pagtataguyod ng hustisya at batas sa kabila ng mga banta sa kanilang buhay.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng San Miguel Police, na pinamumunuan ni Supt. Lailene J. Ampara, tinatahak ng mga biktima ang Cagayan Valley Road sa San Miguel, Bulacan habang sakay ng Toyota Innova nang biglang sumulpot sa tabi ng kalsada ang mga suspek na sakay ng motorsiklo at bumunot ng baril bago pinaulanan ng bala ang mga biktima dakong 8:00 ng umaga nitong Lunes.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Buan habang si Castillo ay tinamaan sa ulo.

Kasalukuyang nagpapagamot ang dalawa sa isang ospital matapos sumailalim sa operasyon, ayon sa pulisya.