OLONGAPO CITY – Dumalo si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton sa pretrial at trial proper kahapon sa Olongapo City Hall of Justice, ang pagsisimula ng serye ng mga pagdinig na tatagal hanggang sa Oktubre ng taong ito.
Akusado si Pemberton sa pagpatay sa transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude sa loob ng Celzone Lodge sa Olongapo City noong Oktubre 11, 2014.
Ngunit wala sa paglilitis ang mga pribadong prosecutor ni Laude na nagpaigting sa mga espekulasyon na may namumuong tensiyon dito at sa Olongapo City Prosecutors’ Office.
Sa isang panayam kahapon sa Department of Justice (DoJ), sinabi ng abogado ni Laude na si Atty. Harry Roque Jr. na tinanggihan nila ang napaulat na P21-milyon plea bargain deal kay Pemberton, idinagdag na ang mga public prosecutor ang nagsusulong ng nasabing kasunduan.
Sinabi ni Roque na walang plano ang pamilya na magkaroon ng anumang plea bargain deal, kahit pa iginiit umano ni Olongapo Prosecutor Emilie Fe Delos Santos na dapat na ikonsidera ng pamilya ang plea bargain deal ng mga abogado ni Pemberton.
“So malinaw na kung si Delos Santos ang tatanungin, eh, gusto niyang mag-plea bargain,” ani Roque. Itinanggi naman ni Delos Santos na isinusulong niyang magkaroon ng plea bargain sa mga Laude, at mapapatunayan, aniya, ito sa mga record ng korte.
Dahil dito, hiniling ng mga pribadong prosecutor na palitan ng DoJ si Delos Santos bilang prosecutor ng kaso. - Jonas Reyes