Nagsimulang magtipon ang mga tagasuporta ni Mayor Jejomar Erwin Binay Jr. sa Makati City Hall bunsod ng espekulasyon na bibitbitin palabas ng gusali ang alkalde ngayong Lunes.

Sinabi ni Joey Salgado, public information officer ng Makati City, na mahigit 2,000 tagasuporta ni Binay ang dumagsa sa city hall matapos makatanggap ng impormasyon na tatangkain ni Vice Mayor Romulo “Kid” Peña na pasukin ang gusali upang simulan ang kanyang tungkulin bilang acting mayor ng siyudad.

Sinabi ni Salgado na mananatili ang mga tagasuporta ni Binay sa quadrangle hanggang ngayong Lunes.

“Around 2,000 supporters of Mayor Binay are now at city hall quadrangle because of confirmed reports that the camp of Vice Mayor Peña will attempt to enter main building on Monday, after the flag raising ceremony,” saad sa text message ni Salgado.

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

Kapag itinuloy ni Peña ang kanyang plano, sinabi ni Salgado na ito ay lantarang pagsuway sa temporary restraining order (TRO) na inilabas ng Court of Appeals (CA) laban sa anim na buwang suspensiyon na ipinataw ng Office of the Ombudsman kay Binay.

Kinumpirma ni Salgado na nananatili si Binay sa tanggapan nito sa city hall sa kabila ng tensiyong namumuo hinggil sa isinilbing suspension order laban dito.

Nitong nakaraang linggo, naglabas ng memorandum si Peña sa lahat ng opisyal ng pamahalaang lungsod na kilalanin siya bilang acting mayor ng Makati City.

Sa kabila nito, patuloy naman ang pakikipagpulong ni Binay sa mga miyembro ng konseho at mga department head ng lokal na pamahalaan sa pagpapatuloy ng kanyang trabaho bilang alkalde ng siyudad.