STA. CRUZ, Laguna– Itinala ni Francis Medina ang junior record sa 110m hurdles habang matinding upset ang ginawa ng bagitong si Marco Vilog sa men’s 800m, Kenny Gonzales sa men’s javelin throw at Mark Harry Diones sa men’s long jump upang paigtingin ang labanan sa ginaganap na 2015 Philippine National Open-Invitational Athletics Championships sa Laguna Sports Complex dito.
Bagamat umuulan, isinumite ni Medina ang personal best na 14.23 segundo upang tabunan ang kanyang dating rekord na 14.52 segundo sa taas na 99cm sa hurdles na kinubra nito sa ASEAN Schools Games noong Disyembre 2014. Ito ang ikalawang ginto ni Medina matapos magwagi sa 400m hurdles.
Hindi naman pinansin ng 20-anyos at 3rd year Business Management student sa Lyceum-Batangas na si Vilog ang mahabang biyahe papunta at pabalik sa Laguna dahil sa kanyang eksaminasyon upang malampasan ang SEA Games gold medal standard sa pagwawagi ng gintong medalya sa oras na 1:51.60.
“Umuwi na po siya agad kasi buong araw po ang exam niya ngayon,” sinabi ng coach ni Vilog na si dating 3-time SEA Games gold medalist Ernie Candelario.
“Hindi na nga po siya nakapagpahinga dahil kailangan niya ulit na bumalik sa Batangas kasi isang oras na lang at mag-eexam na siya,” pahayag pa ni Candelario.
Napag-alaman kay Candelario na nagpabalik-balik ng biyahe si Vilog sa unang araw pa lamang ng torneo noong Marso 19 at 20 kung saan ay nagpartisipa ang kanyang atleta sa heats para sa semifinals hanggang sa finals.
“Nasapol po niya ang gold standard sa SEA Games pero ang problema po ngayon ay hindi na po siya makakasama sa delegasyon ng Pilipinas dahil hindi po siya naisama noong unang accreditation. Pero ipapakiusap po namin kasi sayang ang paghihirap ng bata. Talagang matindi po ang pagnanais ng bata na maisuot ang uniporme ng Pilipinas.”
Ipinadama naman ni Gonzales na nararapat siyang manatili sa national pool matapos talunin ang miyembro ng elite team na dating SEA Games gold medalist na si Danilo Fresnido at Melvin Calano sa men’s javelin throw. Inasinta ni Gonzales ang 62.96m, itinarak ni Fresnido ang 60.82m at 58.92m naman kay Calano.
Si Gonzales, na dating bumabato ng 63 metro, ay mahigit na isang taon nang kabilang sa national pool subalit inalis ng PATAFA noong Enero bunga sa pagbaba ng kanyang paglalaro.
Ibinulsa naman ng magkapatid na sina Mark Harry at Melbert Diones ng JRU Team A ang ginto at pilak sa men’s triple jump upang paigtingin ang tsansa na mapasama sa pambansang delegasyon sa 28th SEA Games.
Tinalon ng mas nakakabatang si Mark Harry ang layong 15.84m habang 15.34m si Melbert.
“Medyo mabigat ang hangin dahil umulan. Makakaya sana ni Harry na i-break ang personal best niya na 15.92m kaya lang madulas na ang track,” sabi ng dating national coach at JRU coaches na sina Jojo at Elma Muros-Posadas.
Nagwagi sa girls 10,000m si Jonalyn Ricafrente ng San Jose Del Monte (43:58.95s), Mark Vincent Ramos ng Mapua sa boys long jump (6.96m), Joebert Delicano ng Air Force sa masters long jump (6.84m), Jenelyn Arle ng Air Force sa girls shot put (10.64m), Jomar Udtohan ng San Sebastian sa boys 100m (10.93s), Eloisa Luzon ng UST sa girls 100m (12.46s) at Katherin Khay Santos ng University of Baguio sa women’s 100m (11.99s).
Nanalo din sina Salve Bayaban sa women’s masters 100m (15.48s), Joebert Delicano ng Air Force sa men’s masters (11.74s), Mariane Audrey Yorac ng Team Pasig sa girls high jump (1.55m), Ronmols Andawa ng JRU sa boys shot put (15.40m), Alexis Soquerro ng Negros Occidental sa boys high jump (1.95m), Renee Kelly Casier ng Malaysia sa women’s hammer throw (53.80) at Reynold Villafranca ng UE sa boys 3,000m Steeplechase (10:00.55)
Namayani din ang SEA Games bronze medalist na si Jessica Lyn Barnard ng Air Force sa 3,000m steeple chase (11:34.45s) habang umangat ang UST sa girls 4x100m relay (48.94s), PLDT Team A sa women’s 4x100m relay (51.67s), Arellano University sa boys 4x100m relay (43.37s) at ang PLDT Team A sa men’s 4x100m relay (42.63s).
Tinalo naman ni Julius Sermona ang kakampi sa Air Force na si Eduardo Buenavista sa men’s 10,000m run sa mga naitalang oras na 32:56.53 at 33:12.33, ayon sa pagkakasunod, habang humarurot si Louizlyn Pamatian ng UST sa girls 800m (2:18.52s), Marco Vilog ng Air Force sa men’s 800m (1:51.60s), Christian Traje ng Arellano U (1:57.53s), Albert Jay Callejo ng Arellano U sa boys decathlon (4,769 puntos) at Johnrey Ubas sa men’s decathlon (6105 puntos).
Pinaglalabananan din ang anim na espesyal na karangalan sa apat na araw na torneo bilang Most Valuable Player, Most number of gold won, fastest men at women, Man of Steel, Iron Maiden at Powerhouse Team.
Anim na bansa ang kasali sa torneo na binubuo ng Bangladesh, Guam, Indonesia, Singapore, Malaysia at Brunei.
Ang 2015 Philippine National Open-Invitational Athletics Championships ay itinataguyod mismo ng Philippine Sports Commission (PSC) kasama ang major sponsor na Laguna Water, Pacific Online Scratch It KaskaSwerte, Papa John’s Pizza, Foton Philippines, PCSO, Smart, PLDT, Summit Natural Drinking Water at minor sponsor na SSS, PAGCOR, Milo, Gatorade, L TimeStudio at Asics Watch.