Naglabas kahapon si Vice Mayor Romulo “Kid” Peña ng memorandum para sa mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod, departamento at iba pang tanggapan sa city hall na nag-uutos na kilalanin siya bilang pansamantalang alkalde ng lungsod.

Ito ay matapos na pumasok si Peña sa kanyang opisina na may isang mesa at ilang upuan lamang sa lumang munisipyo.

Ayon kay Peña, dapat siyang kilalanin na acting mayor at sundin ng mga konsehal, department head at division chief ng city hall dahil nanumpa siya sa Department of Interior and  Local Government (DILG) matapos maisilbi ang suspension order ng Ombudsman laban kay Mayor Jun-Jun Binay at iba pang opisyal nito.

Ang kautusan ng Ombudsman ay dahil sa sinasabing anomalya sa pagpapatayo ng Makati City Hall Building 2.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Inutos ni Peña sa mga opisyal ng lungsod na magsumite sa kanya ng lahat ng ordinansa at dokumentong nangangailangan ng lagda ng alkalde.

Pinadalhan din ni Peña ng kopya ng memo ang DILG-Makati, Land Bank of the Philippines (LBP)-Makati branch, Civil Service Commission (CSC), Department of Finance (DoF) at Commission on Audit (CoA).

Samantala, naging problema ni Peña ang kawalan ng supply ng tubig sa kanyang opisina at hindi rin ito makagamit ng government vehicle.

Inihayag ng vice mayor na pupulungin nito ang mga department head at iba pang opisyal sa munisipyo subalit posibleng hindi naman siya siputin matapos unang ideklara ng mga konsehal na si Binay pa rin ang kinikilala nilang  alkalde ng lungsod.  

Nagtipun-tipon din ang mga kawani at empleyado ng city hall sa quadrangle para ipakita na suportado ng mga ito si Binay na kinikilala pa rin nilang alkalde ng siyudad dahil sa temporary restraining order (TRO) ng Court of Appeals (CA) na pumigil naman sa suspension.