Ni Genalyn D. Kabiling

Posibleng magsalita uli sa publiko si Pangulong Benigno S. Aquino III sa mga susunod na araw upang magpaliwanag hinggil sa madugong insidente sa Mamasapano, Maguindanao matapos lumitaw sa isang survey na kulang ang paliwanag ng Punong Ehekutibo tungkol sa brutal na pagkakapatay sa 44 na police commando.

Ayon kay Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr., laging pinupulsuhan ng Pangulo ang sentimiyento ng mamamayan at handa itong magbigay ng karagdagang impormasyon upang mas maintindihan ng publiko ang isyu.

“In the course of our continuing dialogues hinggil dito sa isyu na ito, ay binubuo pa rin naman ng Pangulo ‘yung kanyang sariling salaysay,” pahayag ni Coloma.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Maaaring sa mga angkop na pagkakataon—meron naman siyang forthcoming na mga public engagement—ay maaaring kunin niya ito para magbigay ng karagdagan pang mga pahayag,” dagdag niya.

Lumitaw sa huling survey ng Pulse Asia na 79 porsiyento mula sa 1,200 respondent ang nagsabing kulang ang paliwanag ng Pangulo hinggil sa pagpatay sa mga tauhan ng Special Action Force (SAF).

Sampung porsiyento nama ang nagsabing sapat na ang paliwanag ni Aquino at 11 porsiyento ang tumangging magkomento sa isyu.

Ayon kay Coloma, ang resulta ng survey ay isang magandang indikasyon na hangad ng publiko na malaman ang katotohanan sa likod ng Mamasapano carnage.

“Magandang senyales din na pagpapahiwatig sa hanay ng ating mga mamamayan na gustong-gusto nilang malaman ang karagdagan pang impormasyon at ‘yon naman ay pakikinggan ng ating Pangulo at ng ating pamahalaan,” pahayag ni Coloma.

Iginiit ni Coloma na walang itinatagong lihim ang Pangulo hinggil sa operasyon ng Mamasapano sa mga nakaraan nitong pahayag sa publiko. Tulad ng nakararaming Pinoy, sinabi ng opisyal ng Malacañang na hangad din ni PNoy na lumabas ang katotohanan hinggil sa pagkamatay ng mga police commando.