Mga laro ngayon: (MOA Arena)
1:30 p.m. -- Opening Ceremony
2:30 p.m. -- Cignal vs. Foton
4:30 p.m. -- Philips vs. Petron
Eksplosibong aksiyon ang agad na matutunghayan ngayon sa pagsagupa ng apat na koponan na pawang nakatutok sa prestihiyosong korona ng ikatlong edisyon ng 2015 Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference sa MOA Arena.
Una munang pag-iinitin ang inihandang makulay na seremonya na mapapanood ng live sa TV5 sa ganap na ala-1:30 ng hapon ang pangunahing club volleyball league sa bansa bago sundan ng salpukan sa pagitan ng kapwa nagpalakas na Cignal HD Spikers at Foton Tornadoes.
Agad itong susundan ng salpukan sa pagitan ng kinukonsiderang magtatagpo para sa titulo na Philips Gold, na nakamit ang serbisyo bilang top rookie draft pick ang Fil-Am na si Iris Tolenada, at ang lalo pang nagpalakas na 2014 PSL Grand Prix champion na Petron Blaze Spikers sa ganap na alas-4:30 ng hapon.
Hindi pa man nagsisimula ang laro ay maigting na ang atensiyon ng mga tagasuporta ng liga sa dalawang Fil-Am rookie na sina Tolenada ng Lady Slammers at Alexa Micek na kinuha ng Blaze Spiker na tiyak na magpapakita ng kanilang husay at talento sa kanilang unang paglalaro sa bansa.
Asam ng Lady Tornadoes na mapaganda ang kanilang huling pagtatapos sa nakaraang Grand Prix matapos palakasin ang kanilang komposisyon sa target na makatuntong sa kampeonato habang kinumpleto ng dalawang beses na naging runner-up na HD Spikers ang kakulangan sa koponan upang mapasakamay ang una nilang korona.
Kinuha ng Foton bilang No. 2 pick si Angeli Araneta at Nicole Tiamzon na mula sa University of the Philippines (UP) at maging sina Pam Lastimosa ng University of Santo Tomas (UST) at setter na si May Macatuno para isama kina Ivy Remulla, Dzi Gervacio at Bea Tan. Hindi pa sigurado kung lalaro si Ella de Jesus ng bagong UAAP champ na Ateneo.
Magbabalik naman si Michelle Segodine ng Adamson para sa HD Spikers na kinuha rin ang libero na si Rica Enclona at Diane Ticar sa rookie draft habang direktang kinuha nito sina Jeanette Panaga, Jannine Navarro, Coleen Bravo at Carmela Tunay.
Makikita naman ang talento ng 23-anyos na Fil-American na si Tolenada na mula sa San Franciso, California at naglaro sa San Francisco State University (SFSU) kung saan ay tinanghal siya bilang Most Valuable Player (MVP) sa California Collegiate Athletic Association (CCAA). Sadyang mga pagpuri ang ipinapakita ni Philips Gold Lady Slammers coach Francis Vicente dahil sa kakaibang lakas ni Tolenada.
“Masasabi ko lang ay ibang klase maglaro ang aming top pick,” pagmamalaki ni Vicente.
“She can play all-around volleyball and mabilis siya mag-set,” sinabi pa ni Vicente sa kanyang prized setter na si Tolenada. “Nakuha agad niya ang laro ng kanyang teammates and she also got a solid spike.”
Makatutulong ni Tolenada sina Myla Pablo, Melissa Gohing, Michele Gumabao at ang rookies na sina Desiree Dadang at Shaya Adorador sa hangarin na makapagtala ng kasaysayan bilang unang bagitong koponan ang Lady Slammers na nagkampeon sa liga.
Aasahan naman ng Petron ang 6-foot-0 spiker na si Micek ng North Carolina State upang makapagdagdag ng lakas sa Blaze Spikers na kinabibilangan din nina Dindin Santiago-Manabat, Rachel Ann Daquis at Abi Maraño.
“Kailangan namin na maging consistent ang setter,” sabi ni Petron coach George Pascua. “Hindi natin masasabi kasi kapag naglalaro na sa loob ng court, pantay-pantay na iyan at depende na lang sa talino at pag-iisip ng player sa sitwasyon,” paliwanag ni Pascua.
Samantala, makikilatis naman ang dalawang iba pang koponan na Shopinas Lady Clickers kontra sa Mane ‘N Tail Lady Stallions sa darating na Huwebes (Marso 26) sa ganap na alas-6:15 ng gabi sa Cuneta Astrodome.
Double-round classification ang format ng torneo kung saan ang mangungunang dalawang koponan ay agad na aakyat sa semifinal habang sasagupain ng No. 3 ang No. 6 at makahaharap ng No. 4 ang No. 5 sa knockout quarterfinals para sa dalawang natitirang silya sa semis.
Ang magwawagi sa semifinals ay uusad sa Finals kung saan ang magtatapat ay dadaan sa best-of-three series.
Dadayo rin ang liga sa tatlong itinakdang “Spike On Tour” sa Abril 11 sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna, Quezon Convention Center sa Lucena City sa Abril 25 at Imus, Cavite sa Mayo 16.