Ni GENALYN D. KABILING

Matapos na bumaba ang popularidad ng Pangulo dahil sa Mamasapano carnage, nangako ang Malacañang na lalong pag-iigihin ang pagtatrabaho upang makuha ang tiwala at kumpiyansa ng publiko at patuloy na ipaliliwanag ang mga aksiyon ng Punong Ehekutibo kaugnay ng nabigong operasyon sa Maguindanao noong Enero 25, 2015.

Tinanggap na ng Pangulo ang “personal responsibility” sa operasyon sa Mamasapano at nananatiling committed sa pagpupursige ng katotohanan at hustisya kaugnay ng insidente, ayon kay Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma, Jr.

“We are determined to work even harder to continually earn our people’s trust and confidence,” sinabi ni Coloma sa press briefing sa Palasyo.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Patuloy pa rin naman ang pagpapaliwanag, ang pagbibigay ng explanation doon sa mga aspeto ng naganap na maraming agam-agam. Hindi po itinigil ’yung proseso ng pagpapaliwanag dahil kailangan pong maunawaan ng ating mamamayan ang buong kaganapan at mabatid ang buong katotohanan,” dagdag niya.

Ito ang pahayag ni Coloma matapos niyang aminin na bumagsak ang approval rating ni Pangulong Benigno S. Aquino III sa 38 porsiyento ngayong Marso 2015 mula sa 59 na porsiyento noong Nobyembre 2014, batay sa huling survey ng Pulse Asia.

Bumaba rin ang trust rating ni Aquino sa 36 na porsiyento ngayong buwan, kumpara sa 56 na porsiyento noong Nobyembre ng nakaraang taon.

Sinabi ni Coloma na ang huling rating ng Pangulo ay sumasalamin sa sentimiyento ng publiko sa operasyon ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) para hulihin ang international terror suspects sa Mamasapano, Maguindanao.

Sinabi ni Coloma na inako na ng Pangulo, bilang ama ng bansa, ang Mamasapano carnage na nangyari sa kanyang termino at dadalhin ito hanggang sa mga huling araw sa Palasyo.

Gayunman, malabong humingi ng tawad ang Pangulo sa kapalpakang nangyari sa Mamasapano sa kabila ng kanyang all-time low rating. Sinabi ni Coloma na ipagpapatuloy ng Pangulo at ng gobyerno ang pagpapaliwanag sa mamamayan sa mga nangyari sa operasyon sa Mamasapano.