LIPA CITY, Batangas - Pumalag ang kampo ni Lipa City Mayor Meynardo Sabili sa iniulat ng media kamakailan tungkol sa umano’y pangangamkam ng alkalde ng lupa sa Muntinlupa City.
Ayon sa maybahay at chief of staff ng alkalde na si Bernadette Sabili, walang pananakot at pangangamkam ng lupa na nangyari dahil wala naman, aniya, sa kanila ang titulo ng lupa.
Base sa mga lumabas na ulat, isang grupo ng mga residente sa Victoria Homes sa Barangay Tunasan ang naghain ng mga kasong kriminal at administratibo sa Office of the Ombudsman laban kay Sabili nitong Marso 12 dahil sa pananakot umano ng alkalde para makuha ang may 50,000-metro kuwadradong lupa na pag-aari ng opisyal.
Ayon sa dokumento ni Sabili, may kasunduan ang mga residente at ang alkalde sa hatian sa lupa sakaling maayos ang mga papeles nito.
Aniya pa, sinampahan nila ng kaso ang mga residente noong 2014 dahil sa hindi umano pagtupad sa kasunduan at dinidinig na ngayon ang kaso sa isang korte sa Lipa.
“Naniniwala ako na politically motivated ito at may tao na nasa likod ng paninira sa amin,” anang maybahay ng mayor, na tatakbong kongresista sa 2016, habang re-election naman ang target ng alkalde.