Bumagsak sa kamay ng pulisya ang dalawang pinaghihinalaang nangholdap at pumatay sa isang 58-anyos na Amerikano sa Ermita, Manila noong Enero ng nakaraang taon.
Natukoy ng mga tauhan ng Ermita Community Precinct sa pangunguna ni Supt. Romeo Macapaz ang pinatataguan ni Gerryl Corpuz at Christopher Benitez sa L. Guerrero at Sta. Ana St. dakong 5:30 noong Martes ng hapon.
Ang dalawa ay dinampot ng pulisya base sa warrant of arrest na inilabas ni Judge Jean Marie A. Bacorro Villena ng Manila Regional Trial Court Branch 28.
Sina Corpuz, Benitez at ikatlong suspek na si Teddy Asesas, ay nahaharap sa kasong robbery with homicide dahil sa panghoholdap at pagpatay kay Robert John Karlsen noong Enero 2014.
Naglalakad si Karlsen, na tubong New York City, sa MH Del Pilar St., nang holdapin ng tatlong suspek. Nang kinukuha na ng tatlo ang mga gamit at salapi biktima, nanlaban umano ang mga ito, dahilan upang pagsasaksakin ng tatlong suspek.
Si Karlsen ay idineklarang dead-on-arrival sa Ospital ng Maynila, ayon sa ulat ng pulisya. - Jenny F. Manongdo