Mga laro ngayon: (Smart Araneta Coliseum)

5:15 pm Purefoods vs. Barako Bull

7 pm Alaska vs. Meralco

Manatili sa top two spots para sa bentaheng twice-to-beat papasok sa susunod na round ang target ng league leader na Meralco at ang pumapangalawang Purefoods Star sa pagsalang nila sa magkahiwalay na laro ngayon sa eliminasyon ng 2015 PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Unang sasalang ang defending champion na Star Hotshots kontra sa Barako Bull sa ganap na alas-5:15 ng hapon bago sumunod ang namumunong Bolts laban sa Alaska sa ganap na alas-7:00 ng gabi.

Kasalukuyang nasa 3-way tie sa ikalawang posisyon ang Purefoods, Rain or Shine at Talk ‘N Text na taglay ang kartadang 6-3 (panalo-talo) habang nagsolo naman sa liderato ang Meralco na kaakibat ang barahang 6-2.

Kailangan ng Star Hotshots, na galing sa makapigil-hiningang 118-117 triple overtime win laban sa Talk N Text noong Sabado ng gabi sa Davao City, na magwagi ngayon at talunin ang Meralco sa susunod nilang laban kasabay sa hiling na mabigo ang Elasto Painters sa natitira nilang dalawang laro upang makasiguro ng isa sa top two slots.

Sa panig naman ng makakatunggaling Energy Cola, tangka naman itong kumalas mula sa kinalalagyang ikaapat na puwesto kasama ang Ginebra, Kia, at Globalport na may barahang 4-5 (panalo-talo) upang makasiguro sa pag-usad sa 8-team quarterfinal round.

Nasa balag naman ng alanganin, magsisikap ang Alaska Aces na gapiin ang Bolts para umangat mula sa ikalimang puwesto na hawak ang kartadang 3-5.

Ang laban na ito kontra sa Bolts ay ang una sa tatlong nalalabing mabigat na laro na kailangan nilang maipanalo upang buhayin ang kanilang tsansa na umusad sa quarterfinals bago ang laban kontra sa Talk ‘N Text sa Linggo (Marso 22) at Ginebra sa pagtatapos ng eliminations.

Subalit tiyak na hindi sila pahihintulutan ng Bolts na pipiliting hindi masayang ang lahat ng pinaghirapan at palakasin ang pag-asa para sa pinaka-aasam na pagtuntong sa finals.

“We really want to get back where we were before Josh got hurt,” pahayag ni Meralco coach Norman Black na tinutukoy ang import na si Joshua Davis na nakabalik na sa kanyang 100 percent playing form at pinangunahan ang koponan sa itinala nitong 32 puntos sa nakaraang laro nila kontra sa Energy Cola.