Inabisuhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motorista sa posibleng pagsisikip ng trapiko sa ilang lugar sa Pasig at Quezon City dahil sa isasagawang road reblocking ngayong summer break.
Ayon sa MMDA, kabilang sa mga maaapektuhang lugar ay ang C-5 Road, mula Valle Verde/Resins, Inc. hanggang Lanuza Street, outermost lane (northbound); Batasan Road mula sa World of Hope Church hanggang Payatas Road, first inner lane; CP Garcia Avenue, mula Pook Aguinaldo hanggang Katipunan Avenue, second lane, eastbound; at Congressional Avenue Extension, mula Rodics Restaurant hanggang Miranila Gate 2, first inner lane, westbound.
Sinimulan ng mga trabahador ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang road construction noong Biyernes ng gabi at magtatapos ito bukas, Marso 16.
Sinabi ni Emerson Carlos, MMDA assistant general manager for operations, na inirekomenda ni DPWH-National Capital Region Director Reynaldo Tagudando ang pagsasagawa ng road reblocking sa mga naturang lugar.
Muling madaraanan ang mga nabanggit na kalsada simula 5:00 ng umaga bukas.
Samantala, ikinasa na rin ng DPWH ang iba pang major road repair ngayong summer break.
Kabilang sa mga pansamantalang isasara ay ang Ayala Bridge sa Manila, na magsisimula sa Marso 21, at tinatayang aabutin ng isang buwan; at road reblocking sa ilang bahagi ng EDSA.
Sa pagsasara ng Ayala Bridge, sinabi ni Tagudando na posibleng maapektuhan ang daloy ng sasakyan sa Quezon Boulevard, UN Avenue, Taft Avenue, Quirino, Legarda, Magsaysay, at Recto hanggang Roxas Blvd.
Itutuloy naman ang second stage repair ng Magallanes Interchange sa Makati City sa Marso 30-Abril 10.
“We will conduct the repairs 24/7 so that we can finish it immediately,” pahayag ni Tagudando.
Inabisuhan ni MMDA Chairman Francis Tolentino si Tagudando na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan na magsasagawa ng road repair upang tumulong sa pagmamantine ng trapiko sa kani-kanilang lugar.