Pansamantalang pinagbawalan ng Philippine Coast Guard (PCG) na makapaglayag ang isang domestic cargo ship bunsod ng tinamo nitong pinsala dahil sa pagkakasalpok sa bahagi ng Dumangas Port sa Iloilo noong Linggo.

Ang insidente ay personal na iniulat ng kapitan ng M/V SF Horizon na si Francisco Bernardez sa Coast Guard Sub Station sa Dumangas.

Lumabas sa imbestigasyon na habang nagmamaniobra ang MV SF Horizon ay aksidente itong bumangga sa pantalan dahil sa malakas na hangin at malakas na agos ng dagat.

Dahil sa aksidente, napinsala ng concrete gutter ng wharf, habang nagtamo naman ng tatlong pulgadang bitak sa harapan ng barko.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Sakay sa barko ang halos 2,000 metriko tonelada ng assorted steel bar mula sa North Harbor sa Manila.

Inabisuhan na ng Coast Guard ang master ng barko na maghain ng marine protest.

Nag-isyu na rin ang Coast Guard Station ng notification of detention sa nasabing barko at ito ay babawiin lamang sa oras na magpalabas ang Maritime Industry Authority (Marina) ng certification of seaworthiness sa MV SF Horizon.