Magpaparada ng bagong reinforcement ang Globalport sa pagbabalik nila sa aksiyon matapos ang All-Star break.

Magsisilbi bilang ikatlong import ng koponan sa ginaganap na PBA Commissioner’s Cup, dumating ang dating manlalaro ng Los Angeles Lakers na si Derrick Caracter kamakalawa ng gabi upang maging kapalit ni Calvin Warner.

Si Warner, na nagtala ng averages na 20.8 puntos, 23.3 rebounds, 2.3 assists, 3.0 blocks, at 1.3 steals para sa Batang Pier, ay kinailangang umalis pabalik sa United States upang asikasuhin ang mga bagay na may kinalaman sa kanyang pamilya, ayon sa ahente ng parehong import na si Sheryl Reyes.

Ngunit malaki naman ang tsansa na makabalik ang beteranong international campaigner sa PBA sa susunod na kumperensiya dahil pasok ito sa 6’5” height limit.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

“Calvin is still being considered to be the team’s import if ever they make it to the top eight,” ani Reyes. “But if not, there’s a good chance he’ll be back for the Governors’ Cup because he was measured at 6’4 3/4. Pasok siya sa limit.”

Dating second round pick ng LA Lakers noong 2010 rookie draft, si Caracter ay may taas na 6’9” at nag-average ng 2 puntos, 1 rebound at 5.2 minuto para sa koponan noong 2010-11 season. Siya ay sumabak sa 42 laro bago nagtungo sa NBA D-League makaraang mapunit ang kanyang left lateral meniscus.

Sa nalalabing tatlong laro ng Globalport sa eliminations, malaking pasanin ang nakaatang sa mga balikat ngayon ni Caracter.

“When I get on the court, I’ll do what I have to do. Just give me the ball, and I’ll try to get the points and rebounds. Offense, defense. Whatever the team asks,” pahayag ng 26-anyos na si Caracter.

Bago ang Pilipinas, nakapaglaro na rin si Caracter sa China, Israel, Poland, Lithuania, Brazil, Taiwan at Uruguay.

Masusubukan ang tikas ni Caracter sa Linggo sa paghaharap ng Batang Pier at ng nag-iinit nang NLEX Road Warriors na isang ex-NBA player din ang import sa katauhan ni Al Thornton.