Upang mapaigting ang pagpapatupad ng seguridad sa mga paliparan sa bansa laban sa banta ng terorismo, gagamit na ang Department of Transportation and Communication (DoTC)-Office for Transportation Security (OTS) ng bottled liquid scanner sa apat na terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sinabi ni OTS Public Information Officer Jonathan Maliwat na naglaan ang gobyerno ng P19.2 milyon sa pagbili ng walong set ng bottled liquid scanner na gumagamit ng energy sensor upang matukoy ang mga liquid material na dala ng isang pasahero.

Gamit ang teknolohiyang electromagnetic analyzer (EMA), na mas kilala bilang bottled liquid scanner, natutukoy nito ang nilalaman ng isang lalagyan tulad ng bote, plastic container o maging ceramic kung ito ay isang bomba o precursor na ginagamit sa pagkukumpuni ng bomba.

Ipinaliwanag ni Maliwat na may kakayahan ang scanner na beripikahin ang uri ng liquid sa isang lalagyan na daraan sa security checkpoint ng mga paliparan bago ito maipasok sa eroplano.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Aniya, hindi na kailangang buksan ang lalagyan na isasailalim sa security check gamit ang scanner.

Ang proyekto ay ipinagkaloob sa winning bidder na Defense and Protection Systems, Phils, Inc. na nagkakahalaga ng P19.2 milyon.

Ang naturang teknolohiya ay ginagamit na ng mga paliparan sa mauunlad na bansa sa Europe at sa Amerika. - Ariel Fernandez