Determinado ang lokal na pamahalaan ng Quezon City na mapakinabangan ang mga nakumpiskang ari-arian ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa operasyon ng ahensiya laban sa illegal drugs sa siyudad.

Ito ang sinabi ni Quezon City Mayor Herbert Bautista sa pakikipagpulong niya sa mga miyembro ng Peace and Order Council sa Camp Karingal.

Aniya, kasalukuyang pinag-aaralan ang paggamit sa mga seized item sa livelihood training ng mga nabiktima ng trafficking.

Sa nasabing pulong, ipinaalam ng alkalde kay PDEA Regional Director Erwin Ogario na masusing pag-aaralan ang panukala base sa ilang probisyon ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act).

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Sa nasabing batas ay ipinagbabawal ang disposition, alienation at paglipat sa mga kumpiskadong ari-arian, na ayon kay Bautista, ay maaaring gamitin sa lehitimong layunin sa panahon na nakabimbin sa korte ang mga kaso.

Karamihan sa mga isinumite ng PDEA kay Bautista ay ang nakumpiskang ari-arian sa Barangay Salvacion sa Calavite Street, La Loma na ginamit na drug den ng isang sindikato.

Ang chairman ng Quezon City Anti-Drug Abuse Advisory Council (QCADAAC) na si Vice Mayor Joy Belmonte ang may kapangyarihan sa kasunduan sa East Avenue Medical Center (EAMC) sa drug testing services ng QC Hall at barangay personnel kapag isinulong na ang drug-free workplace program.

Kaugnay nito, una nang nilagdaan ng bise alkalde ang memorandum of agreement sa mga opisyal ng National Reference Laboratory for Environmental and Occupational Health, Toxicology and Micro-Nutrient Assay ng EAMC sa pulong ng QCADAAC sa City Hall.